Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KUNG gusto, may paraan, wika ni House Speaker Martin Romualdez matapos maghayag ng pakikiisa ang isang malaking grupo ng rice traders sa isinusulong na programang sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat.
Partikular na tinukoy ni Romualdez ang pangako ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) na ibababa sa P42 hanggang P49 kada kilo sa mga pamilihan matapos umarangkada ang tariff cut na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga imported rice.
“Your commitment to making affordable rice accessible to our people is greatly appreciated,” pambungad na pahayag ni Romualdez sa mga dumalong traders at importers sa isang pulong.
“This collaborative effort showcases our shared dedication to the welfare of every Filipino. Your actions are a testament to what we can achieve when we work together for the common good,” dugtong ng lider ng Kamara.
Sa pagtaya ng mga rice traders, inaasahan sa pagsapit ng Hulyo at Agosto na aabot na lang sa P45 hanggang P46 ang kada kilo ng well-milled rice na kalimitang kinokonsumo ng mga ordinaryong Pilipino.
Maglalaro naman anila ang presyo ng premium rice sa P47 hanggang P48 kada kilo.
Kabilang sa dumalo sa pulong sina Rowena Sadicon, ang founder at lead convenor ng PRISM at co-founder Orly Manuntag, na tumatayong tagapagsalita ng GRECON (Grain Retailers Confederation of the Philippines).
Kasama rin sa naturang pulong sina National Food Authority (NFA) Officer-in-Charge (OIC) Administrator Larry Lacson, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, House Committee on Agriculture and Food Chairman Mark Enverga, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.
Ipinabatid nina Sadicon at Manuntag sa mga kongresista na ang kanilang hakbang ay bilang tugon na rin sa panawagan ni Pangulong Marcos Jr., at Speaker Romualdez na sama-samang tugunan ang problema ng mataas na presyo ng bigas.
Sinabi nina Sadicon at Manuntag na nagkasundo ang kanilang mga kasapi na iparamdam sa publiko ang pagbaba ng presyo ng bigas kapag naipatupad na ang mas mababang taripa.
“Handa po kaming tumulong sa gobyerno para maramdaman agad ng mga kababayan namin ang magandang epekto ng pagbaba ng tariff sa bigas,” ayon kay Manuntag.
“We are one with the government in this campaign. Tulong-tulong po tayong lahat para masiguro na yung reduction ng tariff, magre-resulta sa mababang presyo ng bigas sa merkado,” dagdag pa ni Sadicon.
