Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA kahilingan ng pamunuan ng Kamara, pinagtibay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Board of Directors ang karagdagang tulong pinansyal para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis bunsod ng iniindang diabetes.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, itataas sa halagang P4,000 (mula sa P2,600) ang kakarguhin ng state insurer sa kada session ng dialysis.
Nangangahulugan ani Herbosa na kasama na ang sasagutin ng ahensya ang iniksyon at iba pang gamot na maaring hiwalay na i-claim ng pasyente.
“This was the request of Speaker Romualdez, base na rin sa pahayag ng pangulo noong nakaraan niyang SONA na gawin ng totally free ang hemodialysis treatment,” ayon kay Herbosa, na tumatayong chairman din ng PhilHealth.
Lubos naman ang pasasalamat ni Speaker sa mabilis na pagtugon nina Herbosa at PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr. sa kanyang hiling.
“Labis akong nagpapasalamat PhilHealth kasi we proposed it to them just last month at heto may resulta na agad. With the increased assistance, they will no longer have to augment the amount they spend for this procedure, even in private health facilities,” pahayag ni Romualdez.
“Maraming Pilipino ang makikinabang sa dagdag financial assistance na ito ng ahensya”, dugtong pa ng lider ng Kamara.
Sa tala ng Department of Health (DOH), nasa 4.5 milyong Pilipino ang diabetic. Sa naturang bilang, mahigit sa isang milyon ang nagpapa-dialysis.
“Malaking tulong talaga ito dahil pati gamot o iniksyon na laging problema ng mga pasyente, finally sasagutin na rin ng PhilHealth.
Binigyang-pagkilala rin ng lider kongresista ang ipinamalas na malasakit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga maralitang nangangailangan ng tugon sa iniindang karamdaman, bagay na aniya’y siyang nilalaman at layunin ng Universal Health Care (UHC) Law.
Para kay Romualdez, malaking bentahe ang dialysis para dugtungan ang buhay ng mga nakaratay dahil sa kawalan ng kakayahan tustusan ang gamutan sa dinaranas na karamdaman.
Nanawagan din ang House Speaker sa mga diabetic na mula sa hanay ng maralita na agad magpakonsulta at magpagamot sa mga ospital ng gobyerno.
“We appeal to concerned patients to have these basic ailments checked and treated, like diabetes and hypertension, before they lead to kidney problems that require dialysis. They can of course avail themselves of PhilHealth benefit packages for these illnesses,” hirit pa ni Romualdez.
Samantala, umaasa din ang Leyte lawmaker na aaprubahan din ng PhilHealth ang pagbibigay ng iba pang libreng health services tulad ng laboratory test at mammogram.
