Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BAGAMAT puno ng pag-asa sa napipintong pagbabalik ng murang bigas sa merkado, umapela ang isang partylist congressman sa National Food Authority (NFA) na simulan na rin ang paglilinis sa ahensya bago pa man maging batas ang isinusulong na amyenda sa Republic Act 11203 na mas kilala sa tawag na Rice Tariffication Law (RTL).
“Natutuwa tayo na aprubado na ng Komite ang isinulong nating pag-amyenda sa RTL, para mas mapalawak pa ang mga benepisyo nito, at matuldukan ang mga pabigat sa pasanin ng ating local food producers at consumers,” pahayag ni AGRI partylist Rep. Wilbert T. Lee.
“Pangunahin sa layunin natin na maibalik ang mandato ng NFA na pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka sa presyong sigurado ang kanilang kita, at pagbebenta nito sa merkado sa halagang hindi mabigat sa bulsa ng consumers. Maiiwasan din dito ang mga mapagsamantalang middleman at traders, na binabarat ang mga magsasaka at nagpapatong pa ng malaking halaga sa presyo ng bigas,” giit pa ng AGRI partylist lawmaker.
Una nang inihain ni Lee ang House Resolution 1636 na nagtutulak sa Kamara na rebisahin at alamin kung ano ang epekto sa pagpapatupad ng RTL.
Para kay Lee, may magandang ibubunga ang pag-amyenda sa RA 11203 — “Tataas ang kita ng mga magsasaka, gaganahan din silang pataasin ang kanilang produksyon, na eventually, magiging dahilan para bumaba ang presyo ng bigas, kasabay ng pagsubsob sa overall inflation.”
“Pero para mangyari ito, dapat may tapat at maaasahan tayong liderato ng NFA na babaston sa ahensya, para hindi na ito pamugaran ng anomalya. Tungkulin ng NFA na tulungan ang mga magsasaka at consumers, hindi maging kasosyo ng mga traders,” tahasang pahayag pa ng Bicolano solon.
“Bukod dito, dapat ding maging seryoso ang mga ahensya ng gobyerno para sugpuin at may masampolan na sa agri smuggling na pumapatay sa kabuhayan ng ating local food producers,” dugtong niya.
Hinggil naman sa mungkahing dagdagan ang pondo para sa farm machinery at equipment, na kukunin mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), inulit ni Lee malaking tulong ang nasabing hakbang sa hanay ng local farmers at fisherfolk lalo’t kung babawasan at gawing simple ang requirements ng mga target beneficiaries.
“Gaano man po kaganda ang isang batas, kung pupugak-pugak naman ang implementasyon at pahirapang matanggap ang serbisyong dapat ihatid nito, eh wala rin itong silbi. Our local food producers and consumers deserve better, so we must demand for better services and implementation of our laws to help them improved their plight,” ani Lee.
“Hindi na pwede ang pwede na. Gumagawa at nagpapatupad tayo ng mga polisiya at batas para maging Winner Tayo Lahat. Ang dapat na tutok natin: dagdag na trabaho, dagdag na kita, sapat at murang pagkain at maaasahang serbisyong pangkalusugan para sa lahat para mabawasan ang pangamba ng bawat pamilya na lalong malubog sa kahirapan,” pagtatapos ng mambabatas.
