Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
WALANG dating sa hanay ng mga kongresista ng Kamara ang pinakabagong patutsada ni former President Rodrigo Duterte kaugnay ng bagsak na performance rating ni Pangulong ferdinand Marcos Jr.
Para kay Assistant Majority Leader at La Union province Rep. Francisco “Paolo” Ortega V, isang propaganda lang ang tinawag niyang mapanirang pahayag ng dating chief executive, kasabay ng giit na kabaliktaran ang banat ni Duterte laban sa kasalukuyang administrasyon.
“This is this purely propaganda sa tingin ko. Makikita naman natin that this is an administration of problem solvers, not only the President but down the line,” diin pa ng mambabatas.
“Pati ‘yung mga kawani ng gobyerno. Pati yung mga nandyan sa lehislatura. Pati yung mga nasa local level. They are trying to create a culture of unity and a culture of problem solvers, not a culture of cry-babies,” pasaring na dugtong ng kongresista.
Kinuwestsyon naman ni Ortega ang basehan ni Duterte sa ipinangangalandakang bagsak na grado ni Marcos, partikular sa aspeto ng “performance.”
“Pakita niyo nga po yung matrix niyo at paano niyo natunton kung paano po nagkaroon ng failing na grade ‘yung administrasyon,” hamon ng La Union solon.
“Kasi hindi naman po tayo pwedeng magbigay ng grado kung wala kang mga matrix, wala kang numbers, wala kang data,” sabi pa niya.
Sa panig ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. Jay-jay Suarez, iginiit niyang mahusay na ginagampanan ng Pangulo ang trabahong kalakip ng mandato.
Katunayan pa aniya ang magandang takbo ng ekonomiya ng bansa.
“My position is that the president is doing very, very well, given the situation na galing tayo sa isang pandemya kung saan bagsak na bagsak ang ating ekonomiya. Ngayon nasaan ang Pilipinas?” ayon kay Suarez.
“We’re expected to be the highest performing growth in GDP in Southeast Asia,” dugtong pa niya.
Sinabi rin ni Suarez na sa ilalim ng Marcos administration nagkaroon ng pagbaba sa unemployment rate, habang tinutugunan din ng gobyerno ang problema sa underemployment sa bansa.
“Gumaganda na po ang takbo ng ekonomiya at ngayon, meron na pong solusyon na inihain ang ating Speaker (Romualdez), ang leader po namin sa Kongreso, para mapababa ang presyo ng bigas,” paglalahad ng ranking solon.
Ani Suarez, maganda ang pagtutulungan nina Punong Ehekutibo at House Speaker lalo na sa pagtugon sa pang araw-araw na problema ng mga mamamayang Pilipino.
“Kakagaling lang po ng ating Pangulo sa isang makasaysayan na Trilateral agreement kung saan napagkasunduan ng bansang Pilipinas, America at ng Japan kung paano po natin siguraduhin ang safety, economic prosperity and progress in the Indo-Pacific Region,” paalala ni Suarez.
“So, we are on the right (side) of development. I think what is happening right now is part of another attempt to discredit the administration. It is to the best interest of the Filipino people that we support President Bongbong Marcos, dahil ang nais lang naman natin ay maging matagumpay siya at maging matagumpay ang ating bansa.”
