Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ISINUMITE ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang isang comprehensive report kaugnay ng isinagawang congressional mission sa Tripoli, Libya kamakailan.
Ayon kay Salo, kasama sina COOP NATCCO Partylist Rep. Felimon M. Espares, Committee Secretary Atty. Christopher S. Lomibao, at Legislative Officer Jeric D. Carolino, nagbunga ng produktibong pakikipag-usap sa mga opisyal ng Philippine Embassy sa Tripoli, gayundin sa Filipino communities.
Dagdag ng House panel head, nakipagpulong din ang grupo sa ilang key Libyan officials partikular mula sa Minister of Labour and Rehabilitation, sa Deputy Minister of Health, at general manager ng Ministry of Oil & Gas, ang presidente ng Department of Support and Development of Medical Services at ang presidente ng Tripoli University Hospital.
Sa nasabing report na ibinigay ni Salo kay Romualdez, ipinabatid ang labis na pagnanais ng Libyan officials na magkaroon ng Filipino workers bunsod na rin sa malaking papel na ginagampanan ng mga OFWs sa kanilang healthcare, oil and gas, at education sectors.
Bukod dito, mayroon din aniyang malaking demand para sa mas marami pang Filipino professionals sa Libya subalit hindi naman alintana na mayroong Pinoy workers sa public health sector ang nahaharap sa problema ng unpaid salaries at kawalan ng kaukulang benepisyo – bagay na dapat muna tugunan sa lalong madaling panahon.
Bagama’t mayroon pa ring pangamba sa peace and security situation sa Libya, mas mabuti muna ang kalagayan sa naturang bansa sa pag-asang unti-unting babalik ang kapayapaan at kaayusan sa nabanggit na estado.
“Concerns were raised about Filipinos entering Libya via ‘third-country’ or ‘back-door’ methods, highlighting the need for a regulated employment process,” saad sa naturang report.
“Currently, there is no dedicated Migrant Workers Office (MWO) in Libya, limiting support and services for OFWs,” paglalahad ng congressional mission.
Ipinabatid ni Salo na ang Philippine Embassy ay sinusuportahan ang pagkakaroon ng selective deployment strategy para sa overseas Filipino workers sa mga nasabing sektor ng Libya, habang umapela naman ang mga Pinoy na tuluyan nang alisin ang umiiral na deployment ban.
Bunsod nito, inirekomenda ng grupo ni Salo na magkatuwang na magsagawa ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) reassessment sa political at security situation in Libya upang magkaroon ng mas tamang pagtukoy sa kasalukuyang kondisyon.
Sinusugan din ng House panel head ang rekomendasyon payagan ng DMW selective deployment ng OFWs partikular sa Libyan employers na kilala sa pagkakaroon ng good labor practices at sa lugar na walang banta sa seguridad.
Dapat din aniyang tignan ng DFA at DMW ang posibilidad na mai-negotiate ang pagbawas o kaya’y tuluyang pag-aalis sa ilang bayarin ng OFWs habang ang huli ay dapat tignan ang paglalagay ng opisina sa Libya para sa sa agarang tugon sa suliranin ng mga OFWs habang hirit naman sa DMW pumasok sa bilateral labor agreement sa gobyerno ng Libya.
