Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BAGAMAT magkakasama sa minorya, magkakaiba ang ang nakikitang dahilan ng mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara kaugnay ng pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd).
Para kay Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, malinaw ang adyenda ni Duterte sa pagkalas sa administrasyon – ang napipintong pagsabak sa susunod na halalan kahit sa 2028 pa ang takdang pagtatapos ng termino.
Ani Brosas, isang political move ang ipinamalas ng Pangalawang Pangulo sa biglang pagbibitiw sa pwesto.
Gayunpaman, nilinaw ni Brosas na malaking bentahe ang resignation ni Duterte sa Deped lalo pa aniya’t sa simula pa lang naman aniya ay wala namang intensyon ang bise presidente resolbahin ang malalang problema sa sistema ng edukasyon nang tanggapin ang posisyon sa nasabing kagawaran.
“Her controversial appointment reeked of traditional political maneuverings rather than a sincere commitment to improve our schools and protect our teachers and students,” patutsada ng militanteng kongresista.
Samantala, umaasa si Brosas na isang tunay na lingkod-bayan ang itatalagang kapalit ni Duterte sa DepEd – yaon aniyang bibigyan ng prayoridad ang pag-angat sa matagal nang napabayaan na sektor ng edukasyon.
Sa panig ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, sinabi nitong “pinapatunayan lamang ng resignation ni Sara Duterte na kailanman ay wala siyang pake sa sektor ng edukasyon sa simula pa lang.”
“She maneuvered to install herself as head of the department with one of the largest budgetary allocations in the government, at ngayong hindi na nakakatulong sa agenda niya ang manatili sa posisyon ay basta basta niya na lang itong iiwan. She was never a sincere DepEd Secretary since the beginning, and this resignation stunt only proves that,” dagdag pa ni Manuel.
Ayon sa neophyte youth representative, hindi dapat tignan na ang pagkalas nito sa NTF-ELCAC ay dala ng kabutihan o pagbabago ng puso sa huli.
“Ever since Sara Duterte is a red tagging queen who out of her own way made an effort to demonize jeepney drivers, teachers and students expressing their legitimate grievances against the government. Walang malasakit dito,” pahabol ni Manuel.
