SA gitna ng patuloy na pagdami ng bilang ng naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19, hindi angkop na alisin ang State of Public Health Emergency sa bansa, ayon sa isang mambabatas.
Paglalarawan ni Senador Bong Go na tumatayong chairman ng Senate Committee on Health Chairman – ‘premature’ pa ang panawagan ng ilang sektor, kasabay ng giit na dapat muna tiyakin ng pamahalaan na nakalatag na ang mga angkop na panuntunan para maiwasan ang aniya’y panibagong bugso ng hawaan ng nakamamatay na karamdaman.
Partikular na tinukoy ni Go ang ang datos ng Department of Health (DOH) kung saan lumalabas na meron pa rin binawian ng buhay bunsod ng COVID-19.
Para kay Go, mas mainam ang panatilihin ang ibayong pag-iingat lalo pa aniya’t nananatili ang banta ng COVID-19, batay na rin sa resulta ng mga pag-aaral ng mga dalubhasa mula sa World Health Organization (WHO).
“Hanggat mayroon pang namamatay at mga matinding tinatamaan ng Covid, delikado pa rin ang sitwasyon kaya premature pa i-lift ang state of public health emergency.”
Paniwala ni Go, magagawang tutukan ng pamahalaan ang sitwasyon para sa agarang pagtugon kung mananatili ang State of Public Health Emergency.
Una nang isinailalim sa Alert Level 2 ng Inter- Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang 26 lalawigan kung saan mahigpit na ipinatutupad ang mga panuntunan kabilang ang 50% indoor capacity (70% capacity para sa outdoor) mula Abril 15 hanggang 30.