SA gitna umaatikabong sagupaan sa Sudan, nagpasaklolo ang hindi bababa sa 156 Pinoy, kasabay ng pahayag ng kahandaan bumalik sa Pilipinas sa lalong madaling panahon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose dela Vega, bagamat meron lamang 300 dokumentadong Pilipino sa Sudan ang nasa talaan ng kagawaran, umabot na sa 500 mensahe ang natanggap ng Embahada ng Pilipinas mula sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa naturang bansa.
“Ang sabi ng ating embassy, over 500 na ang nag-message sa kanila. Out of the 500 plus, 156 ang handa at any moment na umuwi na. Meron silang passport at visa. Hindi sila illegal sa Sudan, hindi sila mga undocumented,” ani De Vega sa isang panayam sa telebisyon.
Pagtitiyak ng departamento, sisimulan na sa mga susunod na araw ang repatriation ng mga Pinoy na nasa malinaw na peligrong kalakip ng madugong sagupaan.
Katunayan aniya, nakatakda nang umarkila ng mga sasakyan ang kagawaran para agad na mailikas ang mga Pinoy na nangangamba sa kanilang kaligtasan.
Ayon pa sa opisyal, may dalawang ruta ang kinokonsidera ng DFA – biyaheng patungo sa Port of Sudan kung saan aniya may mga sasakyang dagat na pwedeng maglayag papunta sa Saudi Arabia – o sa hangganan ng Egypt kung saan pwede naman di umanong dalhin ang nagpasaklolong Pinoy papunta sa Aswan bago ilipad pabalik ng Maynila.
Pag-amin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., malaking hamon para sa gobyerno ang pagbibigay ng angkop na seguridad sa mga Pilipinong nais nang lisanin ang Sudan.
Batay sa pinakahuling ulit ng embahada ng Pilipinas sa Sudan, wala pa naman di umanong Pinoy na nasawi sa kaguluhan sa nasabing bansa. Gayunpaman, kumpirmadong may isang nasaktan – na ngayon aniya’y nasa mabuti ng kalagayan.
Nag-ugat ang kaguluhan sa Sudan bunsod ng alitan sa pagitan ng dalawang heneral na nais kontrolin ang naturang bansa.
