
PARA sa liderato ng Kamara, angkop lang itaas ang subsistence allowance ng miyembro ng Armed Forces of the Philippines bilang pagkilala sa dedikasyon at sakripisyo ng mga sundalong Pinoy.
Sa isang pahayag, lubos na ikinalugod ni House Speaker Martin Romualdez ang paglabas ng Executive Order 84, na nagbigay daan sa karagdagang subsistence allowance ng mga sundalo sa antas na P350 kada araw mula sa dating P150.
“This is a well-deserved increase for our brave and dedicated soldiers who tirelessly defend our country. It is a concrete manifestation of our commitment to improving their welfare and recognizing their sacrifices for our nation,” wika ni Romualdez na nagtulak isama ang dagdag-pondo para sa mga sundalo sa ilalim ng 2025 national budget.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang EO 84 ay sumasalamin sa hangarin ng administrasyon tiyakin may sapat na suporta mula sa pamahalaan ang mga sundalo para sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan – bagay na aniya’y nagpapataas sa moral ng mga tagapagtanggol ng bansa.
“Natupad na ang ating pangako! Ang ating mga sundalo ay makatatanggap na ng mas mataas na subsistence allowance – mula P150 ay magiging P350 na kada araw o P10,500 kada buwan. Isa itong malaking hakbang para tiyakin na ang kanilang sakripisyo ay may katumbas na suporta mula sa ating pamahalaan,” dagdag ng lider ng Kamara.
Tiniyak naman niya sa hanay ng AFP na panimula pa lamang ang higit dobleng subsistence allowance sa iba pang benepisyo at suportang target ng gobyerno ibigay sa tinaguriang uniformed personnel.
“Hindi ito ang huling hakbang natin. Patuloy nating ipaglalaban ang mga programang magbibigay ng mas maayos na kalagayan sa ating kasundaluhan – mula sa benepisyong pangkalusugan, pabahay at iba pang tulong para sa kanilang pamilya,” diin pa ng lider-kongresista.
Sinabi rin ng Leyte solon na patuloy na makikipagtulungan ang Kamara sa administrasyon para matugunan ang pangangailangan ng mga sundalo sa pagtupad ng mandato.
“Sa ilalim ng Bagong Pilipinas, titiyakin natin ang ating mga sundalo ay hindi pinapabayaan. Ang inyong serbisyo ay hindi malilimutan at ang gobyerno ay patuloy na magbibigay ng suporta na nararapat para sa inyo,” ani Romualdez.
“Kapag maayos ang kalagayan ng ating sundalo, mas magiging matatag ang ating bansa. Ang pagtaas ng subsistence allowance na ito ay isang hakbang patungo sa mas matibay, mas maunlad, at mas ligtas na Pilipinas,” dugtong niya. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)