TIWALA si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makakatulong ang pagbubukas ng isang bagong planta ng biological fertilizer sa Laguna para madagdagan ang kita ng mga magsasaka at mapabababa rin ang presyo ng pagkain para sa mga Pilipino.
Sa kanyang mensahe sa inagurasyon ng Bio N fertilizer plant ng Agri Specialist Inc. sa Sta. Rosa, Laguna, sinabi ni Speaker Romualdez na ang bagong planta ay magdadala ng bagong yugto sa sektor ng agrikultura at isang mahalagang hakbang para sa mga lokal na magsasaka, suplay ng pagkain, at kinabukasan ng bansa.
Ang Bio N, na binuo ng mga Pilipinong siyentipiko mula sa UPLB, ay isang biofertilizer na makakapagpababa sa pangangailangan na gumamit ng mga kemikal na pataba, magpapaganda ng kalusugan ng lupa, at magpapababa ng gastusin sa pagsasaka.
“This means mas murang abono para sa ating mga magsasaka. Mas maraming ani, mas mataas ang kita. Mas masustansya at mas abot-kayang pagkain para sa bawat Pilipino,” pahayag pa ng lider ng 306 kinatawan sa Kamara.
Ani Romualdez, matagal nang pasan ng mga magsasaka ang mataas na presyo ng imported na pataba, dahilan upang ang seguridad sa pagkain ng bansa ay labis na maapektuhan ng pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado.
“Every sack of rice, every ear of corn, every vegetable on our tables comes from the sweat and sacrifice of our farmers. But if they are struggling with high costs and low yields, we all feel the impact—sa presyo ng pagkain, sa gastusin ng pamilya, sa kabuhayan ng buong bansa,” saad din niya.
Ang bagong planta ng biofertilizer ay alinsunod aniya sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wakasan ang pagdepende ng bansa sa mga imported na produkto.
“His administration has championed the Balanced Fertilization Strategy, promoting biofertilizers like Bio N to boost productivity while protecting our environment,” anang Leyte solon.
“As the President said in his latest State of the Nation Address: Pinapalawak natin ang kaalaman ng ating mga magsasaka sa makabagong mga teknolohiya at pamamaraan. Isa na rito ang paggamit ng bio-fertilizers, na gawa sa Pilipinas at subok din at maaasahan. Sa balanced fertilizer strategy, gaganda ang ani ng mga magsasaka. Hindi na kailangan umasa sa mas mahal at imported na fertilizer.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
