MINSAN pa’y pinatunayan ng China na sila ang hari sa West Philippine Sea sa kabila pa ng napipintong pagsasanib-pwersa ng Estados Unidos at Japan na nagpahayag ng kahandaan tumugon sa tensyon sa karagatang bahagi ng Pasipiko.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard, inakusahan ng mga bantay dagat ang di umano’y pagtataboy ng Chinese Coast Guard sa BRP Malapascua na patungo sa Ayungin Shoal para maghatid ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga sundalong Pinoy na nakahimpil sa nasabing lugar.
Sa pahayag ng PCG, gumamit umano ng nakakabulag na “military-grade laser” ang Chinese Coast Guard sa pagnanais na pigilan ang supply mission noong ika-6 ng Pebrero.
Dagdag pa ng PCG, nalagay rin sa alanganin ang BRP Malapascua matapos magmaneobra ng alanganin ang Chinese Coast Guard 140 metro lang ang layo sa kanilang sinasakyan.
Partikular na tinukoy sa ulat ng PCG ang Chinese Coast Guard vessel na markadong numerong 4205.
“The deliberate blocking of the Philippine government ships to deliver food and supplies to our military personnel… is a blatant disregard for, and a clear violation of, Philippine sovereign rights in this part of the West Philippine Sea,” ayon sa pahayag ng PCG.