
SA hangaring tuldukan ang malawakang smuggling sa bansa, hinikayat ng isang mambabatas ang paglikha ng special courts na para lang sa paglilitis ng mga kasong may kaugnayan sa puslit kargamento, profiteering at hoarding.
Giit ni Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform chair Sen. Cynthia Villar, napapanahon nang pagtuunan ng gobyerno ang mga nanabotahe sa ekonomiya ng bansa, kasabay ng panawagan para sa pagbuo ng tinawag niyang “special team of prosecutors” na walang iba hahawakang asunto kundi ang mga nabanggit na kaso.
“It is high-time that we have an Anti-Agricultural Smuggling Task Force and Anti-Agricultural Smuggling Court. With these in place, we will have a watchdog in the agricultural sector to ensure that whoever manipulates the price of agricultural commodities to the detriment of the small farmers and consumers, will be brought to justice accordingly,” ani Villar sa isang pahayag.
“Gone are the days when we were always at the mercy of these cartels,” dagdag pa niya.
Kamakailan lang, inilabas ni Villar ang Committee Report No. 25 kaugnay ng isinagawang imbestigasyon sa pagsirit ng presyo ng sibuyas sa mga pamilihang bayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa naturang pagdinig, nabisto ang pambabarat ng mga middlemen na namamakyaw ng sibuyas na ani ng mga magsasaka sa presyong P8 kada kilo – pero binenta sa merkado sa halagang P750 kada kilo noong buwan ng Disyembre ng nakalipas na taon.
Para kay Villar, malinaw na may nagdidikta sa presyo ng sibuyas sa merkado.
Rekomendasyon ng komite ni Villar, amyendahan ang Republic Act 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016) kung saan kasama ang profiteering, hoarding, at kartel sa mga krimeng pasok sa kategorya ng economic smuggling – isang kasong walang piyansa.
“I will make the amendment to the Anti-Agricultural Smuggling Act to be explicit and very specific so that there will be no room for the implementers to interpret the intent and spirit of the law through the Implementing Rules and Regulations. We will include hoarding, profiteering, and engaging in cartel, as forms of economic sabotage, and we will also increase the penalty under this law,” aniya pa.