TALIWAS sa garantiya ng administrasyong Marcos, kakapusin ang supply ng bigas sa bansa ngayong taon, ayon sa pahayag ng grupong Federation of Free Farmers Cooperatives, Inc.
Sa isang panayam sa radyo, hayagan sinabi ni Raul Montemayor na tumatayong lider ng nasabing grupo, hindi sapat ang produksyon ng bigas sa bansa lalo pa aniya’t pumapalo sa halos isang milyong tonelada ang bigas na kinokonsumo ng bansa kada buwan.
Hindi rin umano kayang takpan ng pag-angkat ang kapos na supply. Ang dahilan ni Montemayor – mataas na rin ang bentahan ng ng bigas sa ibang bansa.
“Wala tayong sapat na production, kailangan nating angkatin iyan, so pagdating ng Marso aani tayo pero habang umaani tayo, kumakain tayo ng halos 1 million tons every month. Pagdating ng July, August, September lalo na kung walang pumasok na imports dahil mahal, mas matindi pa ‘yuong problema natin kaysa last year,” saad nii Montemayor.
“Ngayon, yung pag-aangkat hindi rin tayo makakasiguro dun… dahil mataas ang presyo, eh baka wala ring gustong umangkat sa mga pribadong sektor. Dahil ipinagbawal ng rice tariffication law ang gobyerno na umangkat so nakasalalay sa pribadong sektor kung papayag ba silang umangkat kahit mahal ang presyo,” dugtong pa niya.
Panawagan niya sa publiko, magtipid at huwag sasayangin ang bigas. Malaki umano sa mga nasasayang na bigas ay mula sa mga restaurant.
“Dapat every small way na makatipid tayo o makadagdag tayo sa production gawin na natin dahil ‘yong tubig ulan wala tayong magagawa doon kung ayaw talagang umulan,” ani Montemayor kaugnay ng epekto dinadanas na tagtuyot sa bansa.
