Ni ESTONG REYES
PARA kay Senate President Francis Escudero, mas makakabuti kung isantabi muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PUV Modernization hanggat hindi pa natutugunan ng pamahalaan ang mga bumabalot na usapin sa naturang programa.
Sa pagdinig ng Senate committee on public services sa Public Modernization Act, hanayang sinabi ni Escudero na matagal na niyang tinututulan ang pasakit na kalakip ng PUV Modernization Program.
Partikular na tinukoy ni Escudero ang kabiguan di umano ng pamahalaan tugunan ang daing ng apektadong sektor na kinabibilangan ng mga tsuper at operator ng tinaguriang “iconic jeeps.”
“Sa halagang P2.5 million kada unit, saan naman kukuha ng pambayad nun yung operator o yung driver?” tanong ni Escudero.
“Kahit anong computation ang gawin ninyo, para mabayaran ang buwanang hulog sa isang modern PUV na P2.5 million ang halaga, kahit magkanda-kuba ang driver, kulang 24 oras na pamamasada para mabayaran yon nang may kita pa rin ang operator at yung driver,” paliwanag ng lider ng Senado.
Bilang paunang hakbang, iminungakahi ni Escudero kay Senador Raffy Tulfo na tumatayong chairman ng komite, maghain ng isang resolusyon para sa Pangulo kung saan aniya nakasaad ang hiling na suspindehin muna ang naturang programa.
“Buo ang paniniwala ko na mayorya ng mga Senador ay sumusuporta sa pagsuspinde ng modernization program,” sambit ni Escudero.
“Kaya imbes na panukalang batas o dagdag dito makakapagpasa tayo agad ng resolusyon expressing the sense of the Senate na hinihiling at pinapanawagan sa Pangulo na ito’y pansamantala munang suspindehin hangga’t hindi nasasagot lahat ng mga katanungan, lahat ng problema at lahat ng kuwestiyong pinansyal kaugnay ng modernisasyon.”
