PUMALO NA sa walo katao ang nasawi bunsod ng patuloy na pananalasa ng masamang panahon, batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Batay sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, nasa halos 180,000 pamilya mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang apektado sa sabayang pagbayo ng bagyong Carina at hanging habagat.

Sa naturang bilang, 7,738 pamilya ang pwersahang inilikas at dinala sa mga itinakdang government evacuation centers para tiyakin ang kaligtasan bunsod ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong probinsya.
Nakapagtala rin ng pinsala sa imprastraktura, at pagkawasak ng mga tahanan. Sa paunang pagtataya ng ahensya, umabot na sa P8 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura.

Habang sinusulat ang balita, patuloy pa rin ang matinding buhos ng ulan – dahilan para lumubog sa baha ang Metro Manila at mga karatig probinsya. Nakapagtala rin ng mga insidente ng pagguho ng lupa.
