SA gitna ng kabi-kabilang masamang balita, isang masayang anunsyo ang ibinahagi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) — ang pagkakamit ng target tax collection sa unang anim na buwan ng taon.
Sa isang kalatas, ibinida ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang pagpasok ng P1.554 trilyon sa kaban ng bayan, na aniya’y 14.11 percent na mas mataas kumpara sa P1.550 trilyong target collection.
“Masaya kong ibinabalita na nalampasan ng Bureau of Internal Revenue ang target na koleksyon para sa unang anim na buwan ng 2025,” pahayag ni Lumagui.
“Sa kabuuan, umabot na sa P1.554 Trillion ang nakolekta natin mula Enero hanggang Hunyo 2025, lampas ng P4.594 Billion sa target at 14.11% na mas mataas kaysa sa parehong panahon noong 2024,” dugtong ng BIR chief.
Ayon kay Lumagui, ang mataas na tax collections ay bunga ng mga repormang ipinatupad ng BIR sa ilalim ng kanyang pamumuno.
“Dahil sa mga reporma sa buwis tulad ng VAT on Digital Services, CREATE MORE Act, at CMEPA, patuloy nating pinalawak ang revenue base upang matiyak na maabot at mahihigitan natin ang target para sa buong taon,” paliwanag pa niya.
Sinabi rin ni Lumagui na ang hindi matatawarang dedikasyon ng mga kawani ng BIR ay siyang susi para sa mahusay na performance ng kawanihan.
“Patuloy kaming magsisilbi nang tapat at mahusay para sa mas maunlad na Pilipinas,” paglalahad pa nito kung saan nangako siyang agresibong pa ring ipatutupad ng BIR ang tax enforcement, digitalization programs, at taxpayer service reforms.
