ISANG panukalang batas ang inihain ni Senador Mark Villar sa hangarin palawakin ang implementasyon ng diskwento para sa hanay ng mga nakatatanda at mga taong may kapansanan. Sa isang kalatas, partikular na isinusulong ni Villar amyendahan ang Republic Act 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010) at RA 7277 (Magna Carta for Persons with Disability) sa bisa ng inihaing Senate Bill 2494 (Tax Credit for Senior Citizens and Persons with Disability Discount Act). Para kay Villar, higit na angkop pagkalooban ng “tax credits” ang mga establisyementong nagbibigay ng diskwento sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs). Sa gayung paraan aniya, matitiyak ang mas patas na sistema ng pagbubuwis habang napapanatili ang mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga nabanggit na sektor. Sa ilalim ng kasalukuyang batas, hindi aniya ganap na nababawi ng mga negosyo ang kabuuang halaga ng mga mandatory discount sa pamamagitan ng tax deductions, na nagdaragdag sa kanilang pinansyal na pasanin, lalo na sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs). “Ang pagbibigay ng diskwento sa ating mga senior citizen at persons with disabilities ay mahalagang bahagi ng ating mga programang panlipunan proteksyon. Ngunit hindi dapat iasa lamang sa mga negosyo ang buong bigat ng pagpapatupad ng mga benepisyong ito. Kailangan nating magkaroon ng mas patas na sistema na nangangalaga sa ating mga benepisyaryo habang tinutulungan din ang ating mga negosyo, lalo na ang mga MSME, na manatiling matatag at makapagpatuloy sa kanilang operasyon,” ani Villar. Paglilinaw ng mambabatas, tax credit — at hindi tax deductions, ang pakay ng Iminungkahi ng panukalang batas na ituring na tax credits sa halip na tax isinusulong na panukalang batas. Sa gayung paraan aniya, maaaring direktang ibawas ng mga negosyo ang halaga ng diskwento sa buwis na sinisingil ng pamahalaan sa bisa ng National Internal Revenue Code. Maaari namang ilipat sa mga susunod na taon ng pagbubuwis ang hindi nagamit na tax credits mula sa mga diskwento para sa senior citizens, ngunit hindi maaaring i-refund o ilipat sa ibang tao o entidad. Samantala, mananatili ang tax deduction mechanism para sa minimum na 5 percent discount sa kwalipikadong buwanang konsumo ng senior citizens sa tubig at kuryente. Binigyang-diin ni Villar na layunin ng panukala na balansehin ang pangangalaga sa kapakanan ng senior citizens at PWDs at ang pagpapanatili ng isang matatag na kapaligiran para sa mga negosyo. Kinikilala rin aniya sa panukala ang mahalagang papel ng mga pribadong establisyemento sa pagpapatupad ng mga diskwentong ipinag-uutos ng batas. “Ang layunin natin ay matiyak na patuloy na matatanggap ng ating mga senior citizen at PWDs ang mga benepisyong nararapat sa kanila, habang binibigyan din natin ng mas patas na sistema ang mga negosyong sumusunod sa batas,” aniya pa. “Sa ganitong paraan, napangangalagaan natin ang kapakanan ng ating mga kababayan at napapatibay ang ating mga negosyo bilang katuwang sa pag-unlad ng bansa,” pagtatapos ni Villar. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Sara Duterte manok ng Lakas-CMD sa 2028?