SA gitna sa kinakaharap na krisis ng bansa, hindi angkop manggipit ng kapwa.
Ito ang giit ni Senador Mark Villar, kasabay ng paghahain ng panukalang batas na magbibigay proteksyon sa hanay ng mga maralita, manggagawa at gayundin sa mga maliliit na negosyante.
Sa ilalim ng Senate Bill 2032 o ang Relief and Recovery Interventions for Low-Income Earners, Minimum Wage Earners, Self-Earning Individuals, and Micro, Small, and Medium Enterprises (RELIEF) Act, partikular na isinusulong ni Villar ang mas pinalawak na social protection para sa mga manggagawa at maliliit na negosyo.
Ayon kay Villar, tulong ang kailangan ng mga abang sektor lipunan – bagay na aniyang matutugunan kung may agapay mula sa pamahalaan.
Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), nagbabadyang madagdagan ng hanggang 3.1 milyong Pilipino ang malulubog sa kahirapan dahil sa krisis sa enerhiya, habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo dulot ng pagtaas sa presyo ng krudo.
Bukod sa mga ordinaryong pamilya, posible rin bumagsak ang kabuhayan ng mga maliliit na negosyante kung magpapatuloy ang mataas na presyo ng langis.
“Ramdam natin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ngunit mas mabigat ang epekto nito sa mga kumikita ng minimum wage, sa ating mga self-earning na kababayan, at sa maliliit na negosyo. Kailangan nating tiyakin na may sapat silang proteksyon at suporta,” ani Villar.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ang pagbibigay ng grace period o extension sa pagbabayad ng renta at utang, loan restructuring na walang karagdagang multa o bayarin, mas mahabang mga deadlines sa pagbabayad ng buwis at pagsusumite ng mga dokumento, at mas pinalawak na access sa credit assistance.
Binigyang-diin ng senador ang agarang pangangailangan para sa naturang panukala, at iginiit na kinakailangan ang mabilis at konkretong hakbang upang matulungan ang mga pinaka apektadong sektor.
“Sa panahon ng krisis, mahalaga ang mabilis at konkretong aksyon. Kailangan nating maglatag ng matibay na social safety net na makakatulong sa ating mga kababayan—hindi lamang ngayon, kundi pati sa mga susunod pang mga krisis o hamon,” dagdag ni Villar.
“Layunin nating tulungan ang ating mga kababayan at maliliit na negosyo na makabangon at makasabay sa gitna ng tumataas na presyo at krisis sa enerhiya, hindi natin sila iiwan o pababayaan” pahabol ng mambabatas.
