HAYAGANG kinastigo ng mga kongresista si Vice President Sara Duterte na anila’y sagana sa dada pero takot naman magpakita at humarap sa isinasagawang pagdinig sa Kamara.
Sa isang pahayag, muling hinamon ni House Committee on Public Accounts Chairperson at Bicol Saro Rep. Terry Ridon si VP Sara – kasama ang santambak na abogadong panay ang patawag ng presscon sa halip na humarap para sa pormal na tugon.
Ani Ridon, may tamang lugar para sagutin ang mga nabunyag na maling paggamit ng confidential funds, ang hindi maipaliwanag na yaman, pagkakasangkot sa suhulan at pagbabanta sa buhay ng mga opisyal ng pamahalaan — sa pagdinig ng Kamara at hindi sa social media.
Para sa partylist solon, sa pagharap ni Sara — sa Kamara man o sa Senate impeachment court lamang magkakaroon ng totoong pananagutan.
“See you with the Vice President at the last House impeachment hearing, or at the Senate impeachment trial… doon tayo magtutuos,” ani Ridon.
Para kay Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, “napaka-ampaw ng presscon” ng kampo ng bise-presidente, na dagdag pa niya ay “mahaba at maingay, pero nasaan ang direktang mga sagot?”
“Sa dami ng seryosong tanong na ibinato kahapon, ang nakita ng publiko ay hindi malinaw na pagtugon sa mga isyu,” paglalarawan pa ni Ortega sa nasabing aktibidad ng ng kampo ni Duterte.
“Kung ang punto ay doon lang sa 2022 pataas, dapat doon pa lang malinaw na ang sagot sa mga isyung lumabas… hindi maiiwasan ang mga tanong kung may mga dokumentong sinusuri na mismo sa panahong iyon.”
Giit ng ranking House official, “ang hinihintay ng publiko ay malinaw na paliwanag sa mga transaksyon na-raise sa pagdinig, kabilang ang mga na-flag na covered at suspicious.”
“Kapag ganyan kalalaki ang halagang pinag-uusapan, natural lang na maghanap ng diretsong sagot ang taumbayan. May mga paliwanag sa proseso, pero ang hinahanap ng publiko ay tugon sa mismong mga tanong na lumabas sa pagdinig. Doon nakasalalay ang linaw ng usapin,” dagdag pa ni Ortega.
“Hindi ito simpleng usapin ng messaging. May mga dokumentong tinatalakay, may mga record na sinusuri. Kapag may ganitong bigat ang mga isyu, inaasahan ng publiko ang malinaw at kumpletong paliwanag.”
“Sa huli, ang mahalaga ay masagot ang mga tanong base sa dokumento at ebidensya, Kung walang itinatago, mas madaling maipaliwanag nang direkta,” pahabol ni Ortega.
Sa panig ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Joel Chua, kinutya naman niya ang ginawa ng defense team ni Duterte at hayagang na sinabing “Palakasan ba ito ng narrative sa media? Kasi mukhang sablay pa rin ang mga sagot ni VP sa press releases niya.”
“Hindi vlog ang hearing—records ang sagot, hindi script. Ang dating ng sagot niya, parang script ng vlogger na nagkakalat ng fake news. Maingay, mapanumbat, at punong-puno ng diversion, pero tahimik at kapos pagdating sa konkretong pagsagot sa ebidensya,” hirit pa ni Chua.
“Ang pakiusap sana natin sa Bise Presidente ay wag sa press release sumagot. Masyado na siyang nasasanay sa press release governance. Sana humarap na lang siya sa hearing sa April 29, kasi hindi naman sasagot ‘yung press release sa ating clarificatory questions,” bulalas din niya.
“Kung talagang malinis ang record mo, mas lalo kang dapat humarap. Ang isang pinunong may paninindigan ay hindi nagtatago sa press statement habang ang mga tanong ng taumbayan ay nananatiling nakabitin sa hearing,” giit ni Chua.
