SA gitna ng mga intriga sa umano’y pagdistansya kay former President Rodrigo Duterte, inamin ni Senador Ronald Dela Rosa na sadya siyang hindi nakasama sa kampanya sa Hongkong dahil siya ang inatasan ng dating pangulo mag-asikaso sa petisyong inihain sa Korte Suprema.
“Hindi kami magkasama sa Hong Kong. Di ba naiwan ako dito? All I did was ako ang tinask nila mag-asikaso sa legal. Kinoordinate ko yung aking lawyer at tyaka yung lawyers ni PRRD to come up with a petition for certiorari and prohibition,” ang sabi pa ni Dela Rosa.
“So inayos namin nang husto yun. Na-file namin, hoping ako na makakuha kami ng positive results from the Supreme Court,” dagdag niya.
Ayon sa Mindanaoan lawmaker, mayroon siyang natanggap na intelligence information hinggil sa paglabas ng International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kanila ni Duterte pero nakalipad na sa Hongkong ang dating pangulo, kasama ang iba pang senate bets ng partido.
Para kay Dela Rosa na nagsilbing hepe ng pambansang pulisya bago pumalaot sa pulitika, dapat ay iprinisinta muna sa isang local court si Duterte. Hindi rin aniya dapat minadali ang paglilipat sa dating Pangulo sa ibang bansa.
“Alam mo, mas excited pa, mas interesado pa yung Philippine government na mahuli si President Duterte kaysa ICC at saka yung sinasabi nilang Interpol,” dugtong ng senador.
“Isipin mo hindi man lang binigyan ng respeto yung ating mga courts ‘no. Supposed to be kung talagang hinuli nila, dapat i-present muna nila sa court bago nila dalhin don sa ibang lugar, ibang bansa,” dugtong pa ni Dela Rosa.
“This government is so oppressive.”
Tahasang kinastigo ni Dela Rosa ang kasalukuyang administrasyon sa aniya’y pangako sa kanya ni Marcos.
“Betrayal to the max! Very vivid pa sa aking memory when he told me, nung nag-usap kami sa Malacañang na never siyang mag-cooperate sa ICC,” paglalahad niya patungkol kay Presidente Marcos.
“Talagang sinabi niya sa akin, ‘Hinding-hindi ako mag-cooperate sa ICC… Huwag kang mag-alala hinding-hindi ako mag-cooperate sa ICC dahil after niyo, who’s next? Baka kami na naman. Yan ang sabi niya sa akin.”
