
TARGET ng Senado pagharapin sa bisa ng isang congressional inquiry ang mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kontratista sa likod ng bumagsak na tulay sa lalawigan ng Isabela.
Sa inihaing Senate Resolution 1322, hiniling ni Senador Alan Peter Cayetano ang Senate Blue Ribbon Committee ang mas malalim na imbestigasyon sa P1.2-bilyong halaga ng tulay na bumagsak walong araw matapos buksan sa motorista ang Cabagan-Sta Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela.

Sa pagkatig ni Blue Ribbon Committee chairperson Sen. Pia Cayetano, itinalaga ang nakatatandang kapatid bilang chairman ng Sub-Committee chair para pangunahan ang motu propio inquiry.
Pero bago pa man ito, nauna nang binanggit ni Cayetano nitong March 9 na masusi nitong minomonitor ang insidente.
“I really think it’s a terrible thing [to happen]. I think it should really not happen, dapat up in arms ang DPWH at dapat nandyan na lahat… hindi lang accountability pero pati yung pangako na hindi dapat mangyari ito,” wika ni Senador Pia.
“Safe and resilient infrastructure is essential to the transformation of the nation… The Blue Ribbon needs to look into how the Department of Public Works and Highways deals with errant contractors to ensure that the country and the people are protected against fraudulent and abusive contractors,” giit ni ni Sen. Alan sa resolusyon.
Isa ang DPWH sa ilang ahensya na may pinakamalaking budget sa bansa. Dahil dito, posible rin aniyang suriin sa pagdinig ang iba pang proyekto ng DPWH upang tugunan ang umano’y sistematikong katiwalian sa loob ng ahensya.
“Parang every now and then, every year, two years, may projects na kung hindi man major ay gumuguho and I don’t hear announcements na may binan na or blacklisted or ikinulong na contractor o kung sino man ang nagkamali,” ani Cayetano.
Bumigay ang Cabagan-Sta Maria Bridge noong Pebrero 27 nang magtangkang tumawid ang isang dump truck na kargado ng bato. Batay sa paunang imbestigasyon lumalabas na higit pa sa 45-toneladang weight limit ang dala ng trak.
Di bababa sa anim na tao ang nasugatan at apat na sasakyan ang nasira dahil sa insidente.
Bukod sa overloading, kabilang sa sinisilip na dahilan ng pagbagsak ng tulay ang depektibong disenyo at palpak na konstruksyon.
Mungkahi ng senador, i-blacklist ang mga kontratistang mapapatunayan nagbibigay ng “substandard, defective, or deficient projects, or services.” (ESTONG REYES)