November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

TEVES BANTAY-SARADO NA SA INTERPOL

NI LILY REYES

MAKARAANG matunton ang bansang pinagtataguan, naglabas ng abiso sa mga miyembrong estado ang International Criminal Police Organization (Interpol) laban kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.

“He cannot keep his whereabouts secret anymore since there’s already an Interpol notice about his movements,” ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla sa isang ambush interview.

“The blue notice is there actually. What is happening now is we are informed of his movements by all jurisdictions,” dagdag pa ni Remulla.

Sa ilalim ng umiiral na reglamento ng Interpol, obligado ang mga bansang kasapi na bantayan ang galaw ng sinuman nasa talaan ng tinaguriang ‘blue notice.’ Kagyat na pagdakip naman ang katumbas ng ‘red notice.’

“Once he enters a certain jurisdiction, they already inform us of his movements. That’s why Timor-Leste immediately informed the Philippine government of his presence there,” ayon pa sa DOJ chief, kasabay ng pahayag sa planong isulong ang kanselasyon sa pasaporte ni Teves.

Una nang ibinasura ng Foreign Ministry ng Timor Leste ang hirit na asylum ng kongresistang itinuturong utak sa likod ng mahabang talaan ng patayan – kabilang ang pamamaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4 sa Bayawan City.

Makailang ulit nang itinanggi ni Teves ang alegasyon.

Samantala, kabilang sa mga kinokonsidera ng Kamara ang tuluyang sibakin si Teves sa talaan ng kongresista sakaling mapaso ang 60-araw na suspensyon ipinataw dahil pagtanggi bumalik sa bansa.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, muling pupulungin ang House Committee on Ethics and Privileges para sa karampatang aksyon kung di pa rin magpapakita si Teves sa Kamara.

“Sa halip na magtago, makabubuti kung uuwi siya (Teves) ng bansa at harapin ang imbestigasyon laban sa kanya. Harapin niya ang akusasyon laban sa kanya,” ani Romualdez.