HINDI rekomendado ng Department of Health (DOH) at maging ng Food and Drugs Administration (FDA) ang paggamit ng glutathione drip o ang pagtuturok ng glutathione sa paraan ng swero.
Babala ng DOH, posibleng magdulot ng komplikasyon sa bato ng tao ang naturang proseso.
Bukod sa injectable glutathione, may peligrong kalakip din anila ang pagtuturok ng Vitamin C, tulad na giit ni showbiz personality Mariel Rodriguez matapos magviral sa social media ang aktuwal na pagpapa-drip sa loob ng tanggapan ng kanyang asawang mambabatas sa loob mismo ng Senado.
Unang napaulat na gluta drip ang ginagamit ng aktres ngunit malaunan ay nilinaw niya na Vitamin C lamang ito kasabay ng paghingi ng paumanhin sa publiko bunsod ngn kabi-kabilang patutsada at batikos ng netizens sa naturang aktres.
Paliwanag ng kagawaran, pinapahintulutan lang ng FDA ang injectable glutathione bilang adjunct treatment sa cisplatin chemotherapy – at hindi para sa mga nais pumuti ang balat.
