ALINSUNOD sa direktiba ng Pangulo, pansamantalang sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang paniningil ng toll fee sa mga sasakyang nagdadala ng pagkain at mga agricultural products sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Sa kalatas ng DOTr, magsisimula ang libreng toll fee sa Lunes, Abril 20 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay DOTr Secretary Giovanni Lopez, napagkasunduan ng Toll Regulatory Board, Department of Agriculture (DA), at mga toll operator ang pagpapatupad ng toll relief bilang tulong sa hanay ng mga magsasaka.
Target di aniya ng naturang hakbang maiwasan ang pagkaantala sa pagbiyahe ng suplay ng pagkain.
Gayunpaman, nilinaw ni Lopez na kailangan magpatala sa DA ang mga may-ari at operator ng mga bumabyaheng sasakyan ng pagkain para makasama sa libreng toll.
Bagamat isang buwan lang ang bisa ng toll relief, posible naman aniyang palawigin ang programa base sa magiging resulta ng pagsusuri ng mga ahensya.
Sa pagtataya ng departamento, maglalaro sa P600 hanggang P1,800 kada biyahe ang matitipid ng mga sasakyan, na ibabalik bilang rebate sa kanilang RFID account kada linggo.
