SA pagpapatuloy ng pagdinig ng senate impeachment court, lumutang ang pangalan ng isang dating opisyal na umano’y kasosyo ng pangalawang pangulo sa mga negosyong idineklara ni Vice President Sara Duterte. Partikular na tinukoy ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang isang Jaime T. Cruz na aniya’y nagsilbing trade envoy sa China sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte. Kabilang sa mga sinasabing negosyo ng pangalawang pangulo kung saan may sosyo si Cruz ang GenCorp Industries Inc. Batay sa rekord ng Securities and Exchange Commission, may 54.99 percent control ang JTC Group of Companies sa kumpanyang nakasungkit umano ng santambak na kontrata sa Davao City government at iba pang ahensya ng pamahalaan. Ayon naman kay SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo F. Del Rosario, si Cruz ay lumalabas din bilang incorporator o director ng City Hall King Chow Foods Corporation, Metro City Chow Foods Corporation, Great Jolly Times Food Corporation, Davao New Royal Taipan Foods Corporation, Davao Emerging Taipans Corporation at Davao Bounty Times Food Corporation. Sa presentasyon naman ng House prosecution panel, ipinakita nito na Metro City Chow Foods Corp., si Cruz ang may pinakamalaking shares, na nasa 1,997, na nagkakahalaga ng ₱199,700 at pangalawa si Duterte, na may 500 shares o katumbas ng ₱50,000. Sa pagtatanong ni Tulfo kay private prosecutor Atty. Erwin Matib, kinumpirma ng huli na si Cruz ay itinalaga ng dating pangulo bilang special envoy to China for trade and investments. Nais din sanang italaga ng dating pangulo si Cruz bilang PhilHealth president and chief executive officer – pero tumanggi na umano ang nabanggit na opisyal. Sa panig ni Senator-Judge Francis Pangilinan, hiniling ang pagbusisi sa corporate records ng JTCI, matapos na masilip din na ang stockholders at officers ng Gencorp Industries Inc., City Hall King Chow Foods Corp. at Metro City Chow ay halos magkakaperaho. “We must know who JTC—who the stockholders are of JTC—because they ultimately control, or at least through Gencorp,” sabi pa ni Pangilinan. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation 4 Pinoy seaman nasawi sa bakbakan sa Middle East Marvic Leonen manok ni Leni bilang Chief Justice