KUMBINSIDO ang pamunuan ng Kamara na walang magiging aberya sa pagpapatibay ng panukalang national budget para sa susunod na taon.
Sa isang kalatas, ibinahagi ni House Speaker Faustino Dy ang mga mekanismong inilatag ng Kamara para sa isang bukas na pagbusisi ng publiko sa anumang proseso mula sa deliberasyon hanggang sa pag-apruba ng 2026 General Appropriation Bill.
Ayon kay Dy, pangunahin sa mga isinusulong ng mababang kapulungan sa budget reforms ang pagbuo ng Budget Amendments and Revisions Sub-Committee (BARSc) na magbubusisi at magpapatupad ng kinakailangang pagbabago o realignment sa pondo ng bawat ahensya ng gobyerno.
Dahil naka-livestream ang deliberasyon ng nasabing komite, ipinagmalaki ng House Speaker na nagagawang subaybayan ng bawat Pilipino kung paano ginagampanan ng mga kongresista ang kanilang tungkulin, na matiyak na angkop at gagamitin ng tama ng pamahalaan ang ibibigay na badyet nito para sa susunod na taon.
“Ang ginagawa po natin, meron po tayong livestream habang ginagawa po itong BARSc… at doon ho makikita at maririnig ng ating mga kababayan kung paano isinasaayos ang budget,” dagdag ng lider ng Kamara.
Sa ilalim ng bagong sistema, ang anumang pagbabago aniya sa lalamanin ng national budget ay masisigurong nakaayon sa priority programs ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang na ang pagbawas para sa flood-control projects at gamitin ito para direktang mapakinabangan ng mga komunidad.
Bukod sa pagiging bukas sa publiko ng budget process, ipinabatid din ni Dy na nakikipag tulungan na rin ang Kamara sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para magkaroon ng sistema sa pag-monitor kung paano ginagamit ng bawat ahensya ang nakalaang pondo.
“Marami po kaming pinaplanong mga hakbang katulad po ng … nakikipag-ugnayan tayo sa DICT na kung saan baka mayroong mga sistema na namo-monitor. Kasi po iba rin po ‘yung naipasa nga natin ‘yung budget, paano naman po ‘yung implementation?”
“Baka mamaya substandard, baka mamaya may mga ghost project, Kaya po sa DICT, syempre po, pati ang civil society, ang ating mga kababayan magtutulong-tulong para lagi pong binabantayan ‘yung mga projects,” dagdag niya.
“Kahit gawin nating maayos, transparent at accountable po ‘yung ating budget for next year, syempre iba rin po ‘yung implementation. Dapat makita natin na talagang standard, maayos ang trabaho para maiwasan ‘yung corruption,” sambit pa niya. (ROMER R. BUTUYAN)
