LABIS na kahambugan, at kawalang respeto sa Kongreso ang nakikitang dahilan sa likod ng pagmamatigas ni Vice President Sara Duterte na dumalo sa deliberasyon ng Kamara sa panukalang budget para sa Office the Vice President.
“This is arrogance. Para tayong mga magulang na tinabig at sinigawan ng anak na tumangging magpaliwanag kung saan napunta ang baon,” wika ni House Deputy Minority Leader Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal partylist group.
“Kahangalan ang magsabi na aksidente lamang ito o resulta ng pagkakamali. Malinaw na pangmamaliit ito sa Kongreso at sa taumbayan. Sa madaling salita po, paulit-ulit na tayong binabastos ng Bise Presidente,” dugtong ni De Lima.
Giit ng mambabatas, ang Kongreso ang siyang may kapangyarihan sa pagtatakda ng pondo ng bawat ahensya ng gobyerno at tungkulin ng mga namumuno sa mga tanggapan sa ilalim ng executive branch ng gobyerno ipaliwanag saan at paano ginasta ang hawak na pondo — gayundin kung paano gagamitin ang panibagong alokasyon.
“Congress holds the purse. And when a child squanders the family’s money without answers, the remedy is clear: bawasan ang baon hanggang matuto,” tigas na pahayag pa ni De Lima kasabay nang hirit niyang tapyasan ang 2026 budget ng OVP, na kinatigan naman ng malaking bilang ng mga kongresista.
Ani De Lima, ang hakbang niyang ito ay tiyak na aani ng iba’t-ibang reaksyon at maari pang gamitin sa pagkuha ng simpatiya para sa bise presidente, lalo na ang palabasing pinagtutulungan ito ng mga miyembro ng Kamara.
“Dyan naman sila magaling. Kadramahan. Pero hindi pwedeng mangibabaw ang drama sa kung ano ang tama, sa kung ano ang makatwiran, at sa kung ano ang nararapat sa pagtatanggol sa dignidad ng institusyong ito at ng proseso ng pambansang budget,” bwelta ng ML partylist congresswoman. (ROMER R. BUTUYAN)
