ISANG araw matapos pormal na tanggapin ng Pilipinas ang pamumuno sa UN Legal Committee, inararo at binomba ng tubig ng China ang hindi lang isa kundi dalawang sasakyang dagat ng Pilipinas, habang nakahimpil sa karagatan hindi kalayuan sa bayan ng Kalayaan sa lalawigan ng Palawan.
Sa isang social media post, partikular na tinukoy ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Jay Tarriela ang umano’y agresyong isinagawa ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa mga barko ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kwento ni Tarriela, nakadaong ang tatlong barko ng BFAR, kabilang ang BRP Datu Pagbuaya, nang naglayag sa direksyon ng BFAR vessels ang mga barko ng China Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia bandang alas 8:15 ng umaga.
Nang makalapit, agad na binomba (gamit ang water cannon) ng mga CCG vessel 21559 ang mga barko ng Pilipinas.
Naulit pa ang insidente matapos ang isang oras. Ilang sandali pa ang lumipas, binangga rin ng nasabing CCG vessel ang tinatawag na stern ng barko.
Bagamat nagtamo ng pinsala ang barko, wala naman aniyang nasaktan sa mga kawal ng Pilipinas.
Giit ni Tarriela, hindi lilisanin ng PCG ang Kalayaan Group of Island para tiyakin ang pamamalakaya ng mga Pilipinong mangingisda sa naturang
bahagi ng bansa.
“We will not be intimidated or driven away, as our presence in the Kalayaan Island Group is crucial for protecting the rights and livelihoods of Filipino fishermen,” pahayag niya.
