SA halip na limpak-limpak na pera, malamig na rehas ang kapit ngayon ng isang Chinese national na nasa likod ng pagpupuslit ng koleksyon ng mamahaling sasakyan ng mag-asawang kontratista sa likod ng mga ghost projects ng pamahalaan.
Sa ginanap na year-end get-together na inorganisa ng Bureau of Immigration (BI) para sa mga miyembro ng media, partikular na tinukoy ni Immigration deputy spokesperson Melvin Mabulac ang 41-anyos Chinese national sa pangalang Cao Cheng.
Nobyembre 27 pa umano nang dakpin si Cheng na gumagamit ng alyas na Martin Zao sa bisa ng mandamiento de arresto para sa kasong obstruction of apprehension, illegal use of alias, false representation at willful misrepresentation.
Kasalukuyang nakapiit ang dayuhan sa Camp Crame.
Ayon kay Mabulac, isang malinaw na indikasyon ng pagiging undesirable alien ang pagtatago ni Cheng sa ibang pangalan, batay na rin sa rekord na nakalap mula sa Land Transportation Office (LTO).
Nakatakda naman ilipat ang dayuhan sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City pagkatapos sumailalim sa inquest at medical examination, para simulan ang deportation proceedings. (JULIET PACOT)
