
GANAP nang itinaas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “blue alert” sa lahat ng kawanihan at tanggapan sa ilalim ng kagawaran, bilang paghahanda sa magkasamang pananalasa ng Bagyong Bising at ng Habagat.
Sa lingguhang pulong-balitaan sa Quezon City, tiniyak ni DSWD Disaster Response Management Bureau (DRMB) Director Maria Isabel Lanada na nakahanda na rin ang mga food at non-food relief goods na ipamimigay nila sa mga masasalanta.
Ayon sa kagawaran, ang blue alert ay ikalawang antas ng alerto kung saan ay maagang ikinakasa ang mga emergency preparations bago pa man tumama ang kalamidad.
“We are preparing po na lahat ng posibleng tamaan ng weather systems ay readily-available ang ating food and non-food items,” pahayag ni Lanada.
Batay sa pagtaya ng PAGASA, posibleng umabot hanggang Linggo (Hulyo 6) ang matinding ulan na dulot ng dalawang sama ng panahon partikular sa Ilocos Region, Central Luzon, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region.
Maaga naman umanong nagkasa ng emergency response ang mga DSWD Field Offices sa naturang mga lugar katuwang ang mga local government units (LGUs).
Bukod aniya sa Bagyong Bising at Habagat, pinaghandaan na rin ng ahensya ang mga susunod pang bagyong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa katunayan aniya, naka-preposition o nakaabang na sa kanilang 935 storing facilities o bodega sa iba’t-ibang panig ng bansa ang inihanda nilang 3 milyong family food packs (FFPs) at 337,494 non-food items (NFIs) na kinabibilangan ng mga family and kitchen kits, blankets, modular tents, at iba pang essential items na gagamitin ng mga ililikas na biktima ng kalamidad.
Nakahanda rin aniya ang mga kahon-kahong ready-to-eat food (RTEF) sa mga pantalan para sa mga posibleng ma-stranded na pasahero ng mga sasakyang-pandagat.
“Kasama din po dyan ‘yung mandato ng DSWD na mas paghusayan ang ating Camp Coordination and Camp Management at ‘yung atin pong pag-eensure sa social protection ng ating mga Internally Displaced Persons (IDPs),” ani Lanada.
On-standby naman aniya at laging ready for deployment ang kanilang mga disaster response equipment tulad ng Mobile Command Centers (MCCs).
“Meron din tayo, bukod sa mobile command center, ‘yung mobile kitchens natin nationwide ay ginagamit na rin ng ating 17 regions. And then we have our water treatment, pag nawalan ng tubig meron din tayong water service na mapo-provide,” dagdag ni Lanada. 30 (REGGIE VIZMANOS)