IMBES na mainit na pagsalubong, bukol agad ang bumungad sa bagong talagang Mimaropa regional police director.
Hindi pa man pormal na nakakaupo bilang Mimaropa regional police director, nakalikom na agad ng “goodwill money” ang limang sarhento para daw kay Brig. Gen. Christopher Dela Cruz.
Susmaryosep! Tila mababahiran pa yata ang malinis na rekord ni Brig. Gen. Dela Cruz na kilala sa matuwid na pamumuno.
Ang masaklap, walang kamalay-malay ang bagong Mimaropa regional police director sa modus ng limang sarhen-tong na protektor ng mga sindikato sa likod ng mga ilegal na pasugalan sa naturang rehiyon.
Maganda siguro unahin ni Brig. Gen. Dela Cruz kapunin ang limang aktibong pulis na tumatayong bagman ng mga dating nakaupo sa Mimaropa region.
Kilalanin natin ang mga damuhong pulis na tiba-tiba sa pangongotong. Sila ay sina Sarhen-tong Manalo, Sarhen-tong Raymund, Sarhen-tong Guco, Sarhen-tong Nonoy at Sarhen-tong Leynes.
Sila lang naman ang nagbibigay proteksyon (kapalit ng lingguhang kotong) sa mga big-time operator ng pergalan sa 26 bayan sa Occidental at Oriental Mindoro.
Dito inuumaga ang operasyon ng salot na mga sugal lupa tulad ng color game, pula-puti, drop ball, baklay, roleta at baraha.
Wag na natin pahirapan si Brig. Gen. Dela Cruz. Ang mga salot na sugal lupa ay matatagpuan sa mga bayan ng Mansalay, Bulalacao, Bongabong, Pola, Gloria, Socorro, Bansud, Roxas, Pinamalayan, Victoria, Naujan, San Teodoro, Baco, Puerto Galera at Calapan City, Oriental Mindoro.
Naglipana din ang 200 salot na sugal lupa sa mga bayan ng Sablayan, Looc, Calintaan, Lubang, Magsaysay, Abra de Ilog, Paluan, Rizal, San Jose, Santa Cruz at Mamburao, Occidental Mindoro.
Ang tanong — kaya ba sumagupa ni Brig. Gen. Dela Cruz sa malawakang operasyon ng mga ilegal na sugal sa Mimaropa region?
Sana nga supilin na niya ang salot sa kanyang bakuran.
Huwag naman sana matulad sa mga nagdaang regional directors na magaling lang sa umpisa. Kalaunan, nasilaw din sa kinang ng lingguhang biyaya.
Para sa reklamo at reaksyon, makipag-ugnayan sa 09670999303.
