KATAWA-TAWA, subalit nakakabahala. Ganito ang paglalarawan ng isang law professor ng University of the Philippine (UP) sa pakahulugan ni Senador Robin Padilla sa katagang “force majeure,” habang isinusulong ang mungkahing pahintulutan ang paglahok ng isang senador sa pamamagitan ng teleconference o iba pang electronic at ICT systems.
“Sa konteksto ng kanyang ginagamit ay mali, hindi tama. Kasi pwede mong masabi na yung mga events, mga pangyayari na ‘yun ay hindi mo mahulaan o kung mahulaan mo ay hindi mo maiiwasan,” wika ni Prof. Michael Tiu Jr.
“So kung ang punto ay may force majeure at hindi sila makakapasok, makapag-convene ng Senate, parang weird naman na senador lang ang naapektuhan ng rule na ‘yan,” dagdag niya.
Ayon kay Tiu, hindi uubra ang hirit ni Padilla dahil kung talagang mayroong hindi maiiwasan insidente, gaya ng kalamidad, giyera at national emergency, bakit mga senador lamang umano ang hindi makapunta sa Senado.
“Kasi bakit naman kung talagang force majeure ‘yung mga bagay na ‘yan, bakit mga senador lang ang maapektuhan at hindi makakapunta at bumoto? Paano naman ‘yung buong Senado, ‘yung staff nila at ‘yung mga committee staff?”
Maging ang mga kasamahan sa senado, hindi napigil ang pagtawa kay Padilla na nagsabing kahanay umano sa force majeure events ang kasalukuyang giyera sa Middle East, ang pagkakaipit ng Pilipinas sa China-Taiwan conflict at ang tinatayang pagpasok ng El Niño phenomenon.
“Ang purpose ng force majeure ay bilang excuse na hindi mo magawa ang kailangan mong gawin,” ani Tiu.
“In the same case, dahil hindi siya makakaapekto, it’s not relevant to their duties like COVID-19 and the pandemic was a force majeure kasi ‘yun talaga nakapagpigil sa mga tao na magpunta sa kanilang mga opisina because of the health situation,” dagdag niya.
Kumbinsido naman ang Senate minority bloc na binabraso ang pag-amyenda sa Senate Rules, partikular ang pag-amyenda sa Section 41(b) Rule XIV.
“Session may be held through teleconference, video conference, or other reliable forms of remote or electronic means, using appropriate information and communications technology systems, due to force majeure or the occurrence of a national emergency.”
Mungkahi ni Marcoleta, magkaroon ng Section 41(c) “to allow senators to participate online during session for justifiable reasons.”
Ayon sa minorya, sadyang isinusulong ng Senate majority ang naturang hakbang para makalahok ang si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa impeachment trial — at makaboto para sa hatol ng nasasakdal.
Kasama rin anila sa plano ng mayorya tiyakin makakaboto ang iba pang senador na sinasabing posibleng damputin sa bisa ng arrest warrant kaugnay ng flood control scandal.
