HINDI lahat ng teknolohiya may magandang epekto, ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Adiong ang tinaguriang “virtual meeting, teleconference at zoom” na ginamit noong panahon ng pandemya bilang paraan sa pagdaraos ng klase sa eskwela.
“Nung ina-allow po ‘yung Zoom classes, medyo bumaba po ‘yung kalidad ng ating mga estudyante,” paalala pa ng kongresista mula sa Mindanao.
Para kay Adiong, higit na angkop suriin at timbangin ang kung nararapat na pahintulutan ang kahalintulad na sistema sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Aniya, hindi angkop na pahintulutan ang paglahok ng ilang senator-judges sa impeachment trial sa pamamagitan ng teleconference o iba pang electronic o digital platforms at makaboto ng online o hindi pisikal na maging bahagi ng pagdinig.
“In a trial court, kasi pag nandun po yung testigo dyan sa witness stand, the judge also examines and observes the mannerism — yung kanyang pananalita kapag kino-cross-examine,” wika ng chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.
“Importante din po ‘yung kanyang kabuuan na disposition during the cross-examination or pag-presentation ng mga evidence,” dagdag niya.
Giit ng Mindanaoan solon, hindi maaaring isantabi ang physical presence at payagang ang remote participation ng bawat senator-judges sa impeachment proceedings.
“Imagine in the Senate, imagine in the impeachment court. Ang pinag-uusapan po dito Constitution. No matter how high you have obtained in terms of the positions that you were elected to, ay hindi nangangahulugan na hindi ka aabutin ng accountability mechanism ng ating Constitution,” dugtong ni Adiong.
Sa panig House Assistant Minority Leader at Kabataan partylist Rep. Renee Co, na isa rin sa opisyal na tagapagsalita ng 11-member prosecution panel, dapat ipaglaban ng Senado ang personal and collective accountability, physical participation, at public trust sa gitna ng giit na payagan ang online participation at voting sa Duterte impeachment trial.
“Iba po talaga ‘yung physical participation. Hindi niya made-defeat ng virtual participation ‘yung andyan ka physically. Kailangan makita mo ‘yung non-verbal language, ‘yung expressions na may limitasyon talaga na gagawin ‘yan kung online participation,” pahayag pa ni Co.
Naniniwala ang neophyte lady lawmaker na mapapahina ng virtual participation at online voting ang mabigat na mandatong itinatakda ng Saligang Batas sa Senado, na siyang mamuno sa paglilitis at paghatol sa hanay ng impeachable officials, gaya ng bise-presidente, na ipinagharap ng kaukulang reklamo batay sa Articles of Impeachment na inihain ng Kamara.
