INIULAT ng US Navy ang pagpapatrulya ng Nimitz Carrier Strike Group sa Philippine Sea, kasunod ng pagkumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa presensya ng Chinese aircraft carrier Shandong sa parehong karagatan. Pinangunahan ng flagship na USS Nimitz (CVN 68), ang strike group ay nagpatuloy sa operasyon matapos ang pagdaong sa Guam.
Ayon sa pahayag ng US Navy, ang pagkilos na ito ay nagpapatunay sa kahandaan ng barko at sa pangako ng US Navy sa isang ligtas at maunlad na Indo-Pacific region. Sinabi ni Rear Admiral Maximilian Clark, commander ng Carrier Strike Group 11, na ang patuloy na operasyon bilang isang strike group ay nagpapahusay sa kakayahan nilang magpanatili ng mga handa at makapangyarihang pwersa sa dagat, handang tumugon sa anumang krisis o pangangailangan.
Bukod sa USS Nimitz, kasama rin sa strike group ang Carrier Air Wing (CVW) 17, at ang Destroyer Squadron (DESRON) 9, na binubuo ng USS Gridley (DDG-101), USS Lenah Sutcliffe Higbee (DDG-123), USS Curtis Wilbur (DDG-54), at USS Wayne E. Meyer (DDG-108). Ang mga barko ay kasalukuyang nag-ooperate sa loob ng lugar ng operasyon ng U.S. 7th Fleet.
Ang pagpapakita ng lakas ng US Navy ay naganap matapos ang pag-ulat ng AFP noong Huwebes tungkol sa pagdaan ng Chinese aircraft carrier Shandong at ng mga escort nito sa Philippine Sea. Ang paglalapit ng dalawang aircraft carrier sa Philippine Sea ay nagpapalakas ng tensyon sa rehiyon. Patuloy na sinusubaybayan ng AFP ang mga galaw ng mga barkong Tsino.
