
DALAWANG naagnas na bangkay ng lalaki ang natagpuan sa boundary ng ng San Mateo at Antipolo City sa Rizal.
Isang concerned citizen ang nagtungo sa barangay nang matuklasan ang dalawang bangkay sa pagitan ng Barangay Silangan at Barangay Cupang noong Biyernes, ayon kay Alberto Zeller Jr., hepe ng Barangay Police Safety Office.
Ang mga biktima ay nasa edad 52 at 37, ayon sa report.
“May report ang presidente ng community doon kung saan natagpuan ‘yung dalawang bangkay, mga lalaki, nasa stage na ng decomposition,” sabi ni Zeller. Ayon sa barangay, liblib ang lugar kung saan natagpuan ang dalawang lalaki.
“May pagka-forest siya, makahoy, at wala masyadong residente. Boundary siya. Malapit sa bangin, may puno rin ng kawayan,” sabi ni Zeller.
Agad namang nagpunta sa lugar ang barangay at pulisya para marekober ang bangkay.
“Na-identify na po ‘yung mga victims po na natagpuan po rito sa area namin. Isa pong tricycle driver at ‘yung isa po ay kasa-kasama lang po ng driver,” ayon kay PSSG Genesis Almasco, Investigator-On-Case ng San Mateo Municipal Police Station.
Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation at operation ng pulisya para malaman ang motibo sa karumal-dumal na krimen at madakip ang mga responsable.
“Patuloy po ang pagba-backtrack ng pieces of evidence at mga CCTV footage sa pinangyarihan para makakuha ng ebidensya at ma-filean na ng kaso ang may gawa,” sabi ni Almasco.