SA gitna ng kahirapan, malaking bentahe ang programang bitbit ng mga kooperatiba sa kalunsuran higit lalo sa mga kanayunan. Sa isang kalatas, hinikayat ni Senador Mark Villar ang mga kapwa mambabatas na pagtibayin ang Senate Bill 1431 (Revised Cooperative Code) na naglalayong palakasin ang mga kooperatiba bilang instrumento ng katarungang panlipunan, paglikha ng kabuhayan, at pagpapaunlad ng ekonomiya. Batay sa datos ng Cooperative Development Authority (CDA), mahigit 20,000 rehistradong kooperatiba sa bansa ang nakapagbigay ng trabaho sa humigit-kumulang 335,100 manggagawa noong 2024, na nagpapakita ng malaking ambag ng sektor sa ekonomiya ng bansa. “Malaki ang papel ng mga kooperatiba sa paglikha ng kabuhayan, trabaho, at oportunidad para sa ating mga kababayan,” wika ni Villar. Binigyang-diin din ng senador kahalagahan ng mga kooperatiba sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa sa kanayunan, at iba pang sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng suportang pinansyal, teknikal, at pang-edukasyon. Para kay Villar, higit na angkop kilalanin ng pamahalaan ang ambag ng mga kooperatiba sa pagbawas ng kahirapan, paglikha ng trabaho, at pagpapalawak ng pakikilahok ng mas maraming Pilipino sa ekonomiya. Mungkahi ni Villar, i-update ang 2008 Cooperative Code upang makaagapay sa lumalaking hamon at nagbabagong pangangailangan ng sektor ng kooperatiba. “Thus, they need to enact a revision that introduces much needed reforms to its regulatory framework,” ani Villar. Sa ilalim ng Senate Bill 1431, paiigtingin at gagawing simple ang proseso ng pagpaparehistro ng mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagbabawas ng processing time at mga kinakailangang kapital, partikular para sa mga agricultural cooperatives. Palalawakin din ng panukala ang capital base ng mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa foreign investments, alinsunod sa mga pananggalang upang mapanatili ang kontrol at pamamahala ng mga Pilipino. Ayon kay Villar, makakatulong ang mga nabanggit na reporma upang maging mas inklusibo, flexible, at matatag ang mga kooperatiba, at mabigyan sila ng kakayahang palawakin ang kanilang operasyon at mapagsilbihan ang mas marami pang miyembro at komunidad. “Mr. President, ang pagpapalakas at pag-supporta sa paglago ng mga cooperativa sa bansa, isa sa importanting hakbang para ma-empower natin ang ating mga magsasaka, magingisda, guro, at iba pang sektor upang mas mapabuti pa ang lokal na ekonomiya sa ating mga komunidad,” dagdag niya. Samantala, kinilala rin ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri ang mga inisyatiba ng Villar Foundation sa pagsuporta sa mga kooperatiba at community enterprises na may ambag sa pagbawas ng kahirapan. Sa pamamagitan ng Villar Foundation Awards for Poverty Reduction, kinikilala ang mga natatanging kooperatiba at community enterprises mula sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa kanilang mga programang lumilikha ng kabuhayan, nagpapataas ng kita, at nagpapabuti sa kalagayang pang-ekonomiya ng kanilang mga komunidad. Nagbibigay rin ang programa ng tulong pinansyal sa mga awardee upang maipagpatuloy o mapalawak ang kanilang mga negosyo at proyekto. Ayon kay Villar, ang patuloy na suporta ng Foundation sa mga kooperatiba ay nagpapakita ng mahalagang papel ng mga organisasyong ito sa paglikha ng pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan at pagpapalakas ng mga lokal na ekonomiya. “Ang pagpapalakas ng mga kooperatiba ay hindi lamang tungkol sa pagpapalago ng isang organisasyon. Ito ay tungkol sa pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa ating mga kababayan upang magkaroon ng mas matatag na kabuhayan at maging mas aktibong bahagi ng ating lokal na ekonomiya,” pagtatapos ni Villar. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Pamilya Duterte pro-China hanggang sa negosyo Paglilitis kay Duterte, tinulugan ni Abante