HINDI bababa sa P50 bilyon ang natangay ng isang negosyanteng vlogger, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) kasabay ng pormal na paghahain ng reklamong syndicated estafa kaugnay ng Junket Investment Scam.
Ayon kay NBI Fraud and Financial Crimes Division chief Atty. Palmer Mallari, nasa 30 katao – kabilang ang mga politiko, sa mga nadenggoy ng isang Yexel Sebastian.
Bukod sa kasong estafa, nakitaan din umano ng NBI si Sebastian ng paglabag sa Securities and Regulation Code matapos mangilak ng kapital para sa sinasabing negosyo kalakip ang malaking tubo.
Hindi rin aniya nakalusot sa patibong ni Sebastian ang mga overseas Filipino workers (OFW), mga empleyado, celebrities at mga kapwa negosyante.
Modus ng suspek, P35,000 buwanang kita sa P700,000 na ilalagak sa negosyo, kalakip ang pangakong ibabalik ng buo ang puhunan pagkatapos ng isang taon. PAra makumbinsi ang mga target biktimahin, nagpapakita di umano si Sebastian ng limpak-limpak na salapi at gumagamit ng iba’t-ibang mamahaling sasakyan sa tuwing haharap sa mga inaakit mamuhunan.
Pinag-aaralan na rin ng NBI sampahan ng kasong money laundering si Sebastian na una nang napabalitang nakapuslit na patungo sa ibang bansa.
