HINDI angkop ang bantang pagsampal laban kay First Lady Liza Araneta Marcos, ayon sa dalawang kongresista kasabay ng hirit na public apology kay former Biliran Rep. Glenn Chong.
Para kina Surigao del Norte 2nd district Representative Robert Ace Barbers at Surigao del Sur 2nd district Representative Johnny Pimentel, hindi wastong asal ng isang lalaki magbanta sa mga babae.
Partikular na tinukoy ng dalawang kongresista ang pahayag ni Chong sa kalagitnaan ng pro-Apollo Quiboloy prayer rally na idinaos sa Maynila noong nakaraang linggo kung saan deretsahang sinabi ng dating solon na sasampalin si Araneta-Marcos kasabay ng alegasyon ng di umano’y pakikipag-usap ng Unang Ginang sa Smartmatic para tiyakin ang panalo ng asawa.
“That is conduct unbecoming of a gentleman…Women’s Month pa naman,” wika ni Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs.
Kinatigan naman ni Pimentel ang posisyon ni Barbers, kasabay ng panawagan kay Chong na humingi ng dispensa sa Pangulo at asawang si Araneta-Marcos.
“I saw the video clip and I denounce his disrespect to the First Lady. We demand a public apology for Chong,” ani Pimentel.
Buwan ng Enero ngayong taon nang hayagang aminin ni Chong na pinangakuan siya ng Unang Ginang ng posisyon sa Commission of Elections (Comelec) bilang chairman – pwestong binigay ng Pangulo kay election lawyer George Garcia.
Ayon kay Chong, nilapitan umano siya ni Araneta-Marcos para humingi ng pabor pagkatapos maghain ng kandidatura si Marcos para sa posisyon ng Pangulo.
“One time, after Bongbong Marcos filed his certificate of candidacy she called me to the office… Pwede ba pumunta ka sa headquarters kahit twice a week lang? Sabi ko, no problem. I’ll be there,’” kuwento ni Chong.
“Siya, magkano ibabayad ko sa iyo? Sabi ko, no you don’t have to pay me. I’ve been helping you for six years. You didn’t pay me a single peso. Why should I collect from you now?’” aniya.
“Sabi niya, sige basta pag nanalo tayo gagawin kitang commissioner ng Comelec para malinis yung election system. Tapos gagawin kitang chairman,” dagdag pa niya.
