Ni LILY REYES
PARA maiwasan ang abalang kalakip ng nakaambang kaso sa husgado, nanawagan ang Bureau of Internal Revenue sa hanay ng mga social media influencers at online sellers na magsumite ng income tax return (ITR) bago sumapit deadline sa Abril 15.
Sa isang pahayag, nilinaw ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na hindi exempted ang mga kumikita gamit ang social media sa obligasyon sa pamahalaan.
Ayon kay Lumagui, mas paigtingin pa ng kawanihan ang kampanya sa mga susunod na araw sa hangarin mahikayat ang mga Pinoy taxpayers na maging bahagi ng isinusulong na kaunlaran ng pamahalaan.
Gayunpaman, aminado ang BIR chief na problema pa rin ng ahensya ang mga taong aniya’y nandadaya kung hindi man sadyang ayaw magbayad ng buwis sa gobyerno, bagay na kanilang susuklian ng paghahain ng kaso sa husgado.
“Yung intensiyon nila na mandaya sa pagbabayad ng buwis, marami po iyan… pinapahirapan po tayo niyan kasi hindi natin nakokolekta ang mga buwis na dapat napupunta sa kaban ng bayan,” sambit ni Lumagui sa isang panayam sa radyo.
Ikinasa na rin aniya ng kawanihan ang pakikipag-ugnayan sa mga e-commerce platforms, influencers at iba pang naghahanapbuhay gamit ang social media para sa pagpaparehistro ng kani-kanilang negosyo at ang pagbabayad ng wastong buwis sa gobyerno.
“Kung hindi nila gagawin ito, syempre, mae-expose sila sa penalties at saka bukod pa diyan ay pwede rin silang masampahan ng tax evasion dahil kinakailangan din silang magbayad ng buwis,” babala ng punong kolektor ng rentas internas.
“Ang general rule kasi kapag nagnenegosyo ka, kumikita ka, generally ay kailangan mong magbayad ng buwis. So gusto natin pantay-pantay iyan,.
Panahon ng pandemya nang sumipa ang paghahabol ng BIR sa 250 social media influencer na di umano’y kumikita ng limpak-limpak bilang vloggers.
