MATAPOS na kanselahin ang naunang itinakdang briefing ng House of Appropriations Committee sa hinihinging P889 milyong badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon, personal na humarap si Vice President Sara Duterte.
Sa mahigit isang oras na pagtalakay sa proposed 2026 budget ng OVP, tanging sina ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio at Akbayan partylist Rep. Renee Co lamang ang nakapag tanong sa bise presidente.
Araw ng Biyernes ng nakalipas na linggo — ang orihinal na schedule ng budget briefing para sa hirit na pondo ng OVP, hindi sumipot ang pangalawang pangulo.
Bagamat may pinadalang opisyal para humalili at magbigay liwanag sa hirit na alokasyon — si Assistant Secretary Lemuel Ortonio, hindi naman pinahintulutan ni House Appropriations Committee chairperson Mikaela Suansing ang pag-upo ni Ortonio kasabay ng giit sa panuntunan kung saan nakasaad na isang undersecretary lang ang pwedeng kumatawan sa Cabinet-level official tulad ng bise-presidente.
Binigyang diin din ni Suansing ang pagnanais ng mga kongresista na si Sara mismo ang humarap at tumugon sa mga miyembro ng naturang komite.
Nanatiling tikom naman ang bibig ni Duterte nang ungkatin ang kontrobersyal na paggamit ng daan-daang milyong confidential funds.
Katwiran ng pangalawang pangulo, mas mainam kung sa impeachment court na lamang niya sagutin ang katanungan.
Sa halip ay inilahad ni Duterte-Carpio ang kanyang nasa mga 13 foreign trips mula Hunyo noong nakaraang taon kung saan gumastos ang OVP ng P7.4 milyon para sa security at staff na kasama sa biyahe.
Diin ni Sara, hindi sa gobyerno hinugot ang kanyang ginastos para sa plane ticket at accommodation. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
