SA gitna ng kabi-kabilang kilos-protesta laban sa malawakang katiwaliang kinasasangkutan ng mga kongresista, pormal na nagbitiw sa pwesto bilang Speaker ng Kamara si Leyte Rep. Martin Romualdez.
Personal na inihayag ni Romualdez sa sesyon ng Kamara ang pagbaba sa pwestong hinawakan sa loob ng mahigit tatlong taon.
“With humility and gratitude, I address you today. Together with my colleagues, we worked hard to pass reforms that put food on the table, created jobs, expanded education, and strengthened healthcare. These are milestones that will stand beyond my time as Speaker, and I will always be proud of what we have achieved as your people’s House,” wika ni Romualdez.
“But leadership also demands difficult choices. Today, I have decided to step down as Speaker of the House of Representatives,” dugtong ng kongresistang pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunpaman, nilinaw ni Romualdez na wala siyang kinalaman sa mga paratang laban sa kanya — “Wala akong kasalanan at wala akong itinatago.”
“Ang tanging layunin ko ay maglingkod at magpabuti ng buhay ng bawat pamilyang Pilipino. Yet I also know that when questions arise, it is the people’s trust that must always come first,” saad pa niya.
Aminado si Romualdez na masakit sa kanyang kalooban ang magbitiw, kasabay ng giit na pinili niyang bumaba sa pwesto para bigyang daan na rin ang binuong independent commission on infrastructure na nilikha ng Pangulo sa bisa ng Executive Order 94.
“Masakit man sa akin, I am stepping aside so that the independent investigation may proceed freely—without pressure, without influence, and without fear. This is not surrender, but conscience. Ginawa ko ito dahil naniniwala ako na ang tunay na paglilingkod ay ang pagpapahalaga sa tiwala ng taumbayan higit sa anumang posisyon,” aniya pa.
“If my decision can help restore faith in our institutions, then I offer myself willingly as an example of accountability.”
Aniya, ang kanyang desisyon ay hindi pagpapaalam bagkus ay isang paninindigan sa kanyang tungkulin kung saan mananatili pa ring siyang kinatwan ng unang distrito ng Leyte at maglilingkod sa sambayanang Pilipino.
“Sa huli, ang tiwala ng taumbayan ay mas mahalaga kaysa anumang kapangyarihan. Ito ang aking paninindigan bilang inyong lingkod-bayan. Maraming salamat po, at mabuhay ang sambayanang Pilipino.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
