SA politika, sariling interes lang ang permanente, kesehodang iwanan sa ere ang bise presidente.
Ito marahil ang napagtanto ni Vice President Sara Duterte matapos lumagda sa manifesto of support kay Leyte Rep. Martin Romualdez si former President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa isang virtual press conference, kinumpirma ni Iloilo Rep. Janet Garin ang paglobo sa bilang ng mga kongresistang nagtutulak panatilihin si Romualdez bilang Speaker ng Kamara.
Sa datos ni Garin, pumalo na sa 291 (mula sa dating 283) ang kabuuang bilang ng mga kongresistang pumirma sa manifesto of support kay Romualdez.
Bukod sa dating pangulo, kabilang rin sa mga lumagda ng suporta kay Romualdez sina Negros Occidental Rep. Javi Benitez at Davao Occidental Rep. Claude Bautista na kapwa kaalyado ni VP Sara.
Si Bautista ang campaign manager ni Sara nang kumandidato sa posisyon ng bise presidente noong Mayo 2022.
