NANINDIGAN si reelected Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez na hindi lamang basta pangako ang “Walang Gutom” Program na isinusulong ni President Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang pahayag, kumpiyansa si Romualdez na kaya ni Marcos burahin ang pagkalam ng sikmura ng mga Pilipino sa bisa ng naturang programa ng gobyerno.
“Hindi ito basta proyekto ng ating Pangulong Bongbong Marcos. His vision of a hunger-free Philippines under the Walang Gutom program is a promise of dignity, a pledge of compassion, and a commitment to bring real change to every Filipino family struggling to put food on the table,” pahayag ni Romualdez, na tumayong House Speaker sa nakaraang 19th Congress.
“Walang Pilipino na dapat magutom upang maabot ang potensyal ng mga ito,” dagdag ng lider-kongresista.
Pinuri rin ni Romualdez si Pangulong Marcos sa pagsama ng laban sa gutom program bilang mahalagang bahagi ng Bagong Pilipinas agenda.
“Makikita mo ang puso ng ating Pangulo sa programang ito. Ang laban sa gutom ay hindi lamang polisiya kundi personal niyang misyon. Walang pamilyang Pilipino ang dapat maiwan sa laylayan ng lipunan,” ani Romualdez.
Bunsod nito, tiniyak ng Leyte lawmaker ang suporta ng Kamara sa naturang programa at upang masigurong maipatutupad ito nang mabuti ay maglalaan ang Kongreso ng sapat na pondo partikular sa ilalim ng panukalang 2026 national budget.
Nauna rito, ipinabatid ng DSWD ang plano nitong palawakin ang programa, na mula sa 300,000 pamilya, gagawing 750,000 pamilya ang benepisyaryo.
Sa ilalim ng Walang Gutom Program, magkakaloob ang DSWD ng ₱3,000 na buwanang food credits gamit ang electronic benefit transfer (EBT) card para sa pagbili ng piling pagkain sa mga accredited na tindahan.
Samantala, iginiit ni Romualdez ang pagkakaroon ng ibayong pagtutulungan ng DSWD at Department of Agriculture (DA) sa pagpapatupad ng “Benteng Bigas, Meron Na!” na nagbibigay ng ₱20 kada kilong bigas sa mga piling Kadiwa stores at partner retailers para sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program.
“Bagama’t hindi pa ito ang presyo ng bigas sa lahat ng tindahan, ito ay malaking tulong sa mga pamilyang pinaka-nangangailangan,” aniya.
Ipinunto rin ni Romualdez ang pangangailangang palakasin pa ang buong sistema ng produksyon ng pagkain mula sa mga magsasaka hanggang sa tamang kaalaman sa nutrisyon.
“Kung gusto nating wakasan ang gutom, kailangang suportado ang mga magsasaka sa produksyon, ang mga mamimili sa abot-kayang presyo, at ang bawat pamilya sa kaalaman at kabuhayan. Hindi sapat ang ayuda, kailangan ito’y tulay tungo sa kaunlaran,” diin ni Romualdez. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
