SA gitna ng matinding pagsubok dala ng kinakaharap kaugnay ng iba’t-ibang usapin, naitala ng Kamara ang pinakamataas na trust rating batay sa pinakahuling resulta ng survey na pinangasiwaan ng Social Weather Stations (SWS),
Base sa nasabing survey, tumaas ang “much trust” rating ng Kamara sa nakaraang tatlong buwan, na mula sa 34% noong Abril ng kasalukuyang taon ay umakyat sa 49% buwan ng Mayo, at pumalo pa sa 57% nitong Hunyo.
Ang mga naturang numero sa panahon ng 19th Congress at nasa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez ay nagpapakita ng lumalalim na kumpiyansa ng publiko sa Kamara sa kasagsagan ng impeachment proceedings, gayundin sa pagiging isang independent ng naturang institusyon.
Bukod dito, ang mismong public trust rating ng House Speaker ay tumaas din mula 23% noong Abril, ay naging 26% sa buwan ng Mayo, at umabot naman sa 34% nitong Hunyo.
Ayon kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, patunay ang mga resulta ng SWS survey sa mga nakamit ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez sa nakalipas na tatlong taon.
“Speaker Romualdez has united over 300 lawmakers behind one goal: to help the President fulfill the promise of Bagong Pilipinas. The Filipino people recognize that the 19th Congress got the job done in terms of legislation and oversight functions that truly helped citizens,” pahayag pa ng lady lawyer.
Diin ni Abante, sa pamumuno ni Romualdez ay naipasa ng Kamara ang 61 sa 64 na mahahalagang panukala mula sa LEDAC, kabilang ang 27 sa 28 na prayoridad sa ikatlong regular session.
Higit 280 batas ang naisabatas at mahigit 13,800 panukalang batas ang naihain, kaya’t isa ang ika-19 na Kongreso sa mga pinaka masigasig na Kongreso sa kasaysayan ng lehislatura.
Dagdag ni Abante, sa kabila ng tensyon dulot ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte, nanatiling nakatuon ang Kamara sa mahahalagang batas para sa kapakanan ng mamamayan.
Kabilang sa mga pangunahing batas na naipasa ay ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Expanded Rice Competitiveness Enhancement Fund, reporma sa wage board, Tatak Pinoy Act, at Trabaho Para sa Bayan Act—mga batas na tugon sa seguridad sa pagkain, trabaho, at industrial development.
Sa sektor ng edukasyon at kalusugan, agad na tumugon ang Kongreso sa mga panawagan ng reporma. Naipasa ang mga batas para palawakin ang benepisyo ng PhilHealth, magtayo ng mga bagong specialty hospitals, suportahan ang learning recovery, palakasin ang access sa mental health services, at pagandahin ang mga silid-aralan at pagsasanay ng mga guro.
Sa isyu ng soberanya at kapayapaan, inaprubahan ng Kamara ang Philippine Maritime Zones Act bilang suporta sa paninindigan ng bansa sa West Philippine Sea, at ang Magna Carta for Filipino Seafarers para tiyakin ang proteksyon ng manggagawang Pilipino sa buong mundo.
Nagbigay din ng mahalagang suporta sa mga lugar na apektado ng kaguluhan ang pinalakas na Barangay Development Program.
Sinabi ni Abante na ang matatag na pagtatapos na ito ng ika-19 na Kongreso ay nagtaas ng inaasahan ng publiko para sa papasok na ika-20 Kongreso.
“The people have seen the results. They’ve responded with rising trust. The next Congress must build on this trust with the same level of discipline, purpose and productivity,” aniya.
Giit ni Abante, ang mataas na trust ratings ay malinaw na mensahe mula sa taumbayan.
“Respect is earned. And Speaker Romualdez earned it through performance. That is the true legacy of the 19th Congress.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
