SA kabila pa ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, walang aasahang dagdag-sahod ang hanay ng mga manggagawang Pilipino.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, pinag-aaralan pa rin ng pamahalaan ang walong nakabinbin petisyon para sa dagdag-sweldo ng mga obrero.
“Sa May 1, walang lalabas na adjustment,” tahasang tugon ni Laguesma sa isang panayam sa radyo.
Ayon sa DOLE chief, hindi pa tapos ang pag-aaral ng Regional Wages and Productivity Board (RWPB) ang mga isinumiteng hirit ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Partikular na tinukoy ni Laguesma ang mga petisyon na inihain sa National Capital Region (NCR), Calabarzon (Cavite, Laguna Batangas, Rizal, Queon), Western Visayas, at Central Visayas.
Paliwanag ng opisyal, may sinusunod na panuntunan ang RWPB bago magbigay ng rekomendasyon – “Mayroon pong time frame na dapat sundin ang ating mga RTWPB.”
Gayunpaman, ibinida ng Kalihim ang aniya’y ‘non-wage benefits’ kabilang ang murang bilihin sa mga sangay ng Kadiwa ng Pangulo at iba pang programa sa ilalim ng kanyang kagawaran.
“May isasagawa malawakang jobs, livelihood and business fairs sa buong bansa. Sa mga kababayan nating both may trabaho at walang trabaho, sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-121 anniversary ng Labor Day. Mayroon tayong mga job fair at livelihood fair sa lahat ng rehiyon. May 1,000 employers ang may alok na 120,000 job vacancies, nationwide.”