INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na dakpin at sampahan ng kaso ang mga government officials na mahuhuling gumagamit ng wangwang at blinkers para makaiwas sa mabigat na daloy ng trapiko.
Batay sa Administrative Order No.18 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, hindi pinahihintulutan ang paggamit ng sirena, blinkers at iba pang nakatutulig at nakakasilaw na automotive device.
Ayon sa kautusan, lubhang bumibigat ang daloy ng trapiko sa tuwing pinapatabi ang iba pang sasakyan para bigyang-daan ang maingay na convoy ng mga government officials.
“All government officials and personnel are hereby prohibited from utilizing sirens, blinkers and other similar gadgets that produce exceptionally loud or startling sound, including dome lights, blinkers, or other similar signaling or flashing devices,” saad sa isang bahagi ng AO.
Paglilinaw ng Palasyo, hindi saklaw ng kautusan ang Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), trak ng bumbero, ambulansya at iba pang emergency vehicles.
“In this light, all government officials and personnel are hereby reminded that use of sirens, dome lights, blinkers and other similar devices shall only be under exigent or emergency circumstances or situations or to ensure the expedient and safe passage of emergency responders.”
Sa isang bukod na pahayag, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na matagal nang ipinagbabawal sa bisa ng Presidential Decree 96, ang paggamit ng wangwang at blinkers sa mga pribadong sasakyan.
Katunayan aniya, umabot na sa 2,546 wangwang at blinkers ang nakumpiska ng PNP sa walang humpay na operasyon mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Para lamang di umano sa mga marked police vehicles, fire trucks at ambulansya ang pwede gumamit ng wangwang at blinkers sa tuwing may emergency o tawag ng saklolo.
