NAKATENGGA sa isang korte sa lalawigan ng Laguna ang isa pang warrant of arrest laban kay gaming tycoon Charlie “Atong” Ang.
Ito ang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) sa gitna ng patuloy at puspusang manhunt operation laban sa pangunahing suspek sa likod ng tinaguriang “missing sabungero.”
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, inaalam pa ng ahensya kung bakit hindi pa nilalabas ng San Pablo Regional Trial Court (RTC) ang warrant laban kay Ang.
Hindi naman masabi ni Fadullon kung may inihaing mosyon ang kampo ni Ang para ipawalang-bisa ang arrest warrant.
Nauna nang nag-isyu ng warrant ang RTC ng Sta. Cruz, Laguna at Lipa City, Batangas kung saan siya nahaharap sa kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention.
Samantala, mariing itinanggi ng NBI na may protektor si Ang sa loob ng ahensya. (JULIET PACOT)
