PARA sa isang beteranong mambabatas, wastong paggamit ng 2024 national budget ang lunas sa mga problemang kinakaharap ng Pilipinas.
Giit ni Senador Alan Peter Cayetano sa ikalawang araw ng Senate briefing ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC), dapat tiyakin ng pamahalaan na tunay na sumasalamin ang 2024 National Budget sa layunin ng pagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa lahat ng Pilipino.
Partikular na tinukoy ni Cayetano ang panukalang P5.768 trilyong pambansang budget para sa 2024, kasabay ng pahayag ng suporta sa layuning i-angat ang antas ng sektor ng edukasyon sa bansa.
Binigyang-diin ng senador ang mahalagang papel ng isang malakas na sistema ng edukasyon bilang pundasyon ng pantay-pantay na mga oportunidad. Sa pamamagitan nito, mabubuksan aniya ang daan para sa angkop na trabaho at tiyak magandang kinabukasan ng nakararaming Pinoy.
“All of us live in a country where your last name and where you were born matters. This is why the government is here as second parents to try to equalize opportunities,” wika ng independent senator.
“We all agree that when the education system becomes number one [in the budget priority], talagang gaganda ang buhay ng mga Pilipino. Much more opportunities will come,” dagdag pa ng mambabatas.
Binanggit ni Cayetano ang halimbawa ng Lungsod ng Taguig na nagbibigay ng prayoridad sa edukasyon.
“In Taguig, we have P800-900 million in scholarships and 88,000 scholars. Walang pinipili. Basta pagka-graduate mo, automatic may P15,000 ka. Kapag honor student, mayroon kang P10,000 more. If you are a priority school or course, you get P250,000. We used to have 20 students in UP Diliman, but now we have at least 700 at any point in time because they get P50,000, no questions asked,” aniya pa.
Itinuro ni Cayetano ang isang probisyon sa Konstitusyon kung saan inaatasan ang Estado magbigay ng pinakamataas na prayoridad sa budget ng edukasyon. Aniya, kailangang tiyakin ng DBCC na ang budget sa edukasyon ay mananatiling mas mataas kaysa sa ibang mga departamento.
“Can we ensure na hindi siya mas mataas sa kabuuang tatlong education sectors – TESDA (Technical Education and Skills Development Authority), CHED (Commission on Higher Education), at Department of Education? Dahil ayaw nating kwestyunin ang Bicameral Committee o hindi iboto o kwestyunin sa Korte Suprema,” tanong ni Cayetano kay Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman – na agad naman sumang-ayon.