BUKOD sa red-tagging, karaniwang estilo ni former Rodrigo Duterte ang kaladkarin ang kalaban sa pulitika sa kalakalan ng droga, ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco sa aniya’y “recycled issue” na ipinupukol laban sa lider ng bansa.
Partikular na tinukoy ni Tiangco ang banat ni Duterte sa umano’y paggamit ng heroin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Tiangco na tumatayong campaign manager ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas, ugali na talaga ni Duterte markahan ng droga ang mga kalaban sa pulitika.
“I don’t plan on addressing it. Kasi di ba ganun naman yung playbook ni President Duterte di ba? Even before basta’t kalaban niya, yun naman yung number one accusation niya. Either drug user o drug pusher di ba. So bakit pa natin papatulan yun,” wika ng punong-abala sa pangangampanya ng mga pambato ni Marcos sa nalalapit na senatorial race sa Mayo.
Hindi na rin umano dapat pang bigyang-pansin ni Marcos ang alegasyon ng mga Duterte.
“It’s a playbook. It’s already a formula, basta’t kalaban ikaw ay pusher o user. Gano’n lang naman yun,” ayon kay Tiangco.
Para kay Tiangco, mas mainam na ilahad sa pangangampanya ang mga nagawa at pwede pang mai-ambag sa bansa ng mga pambato ng administrasyon.
“Basta yung pinag-uusapan namin, ano yung plataporma, ano yung mga dapat mong ipaalam, kasi may sari-sarili naman silang… first of all limang minuto lang yung time ng bawat isa. Strictly followed yan.”
