GANAP nang batas ang panukalang nagtatakda ng moratorium sa pagbabayad ng student loans tuwing apektado ng kalamidad o anumang sitwasyon pagkagipitang natural sa bansa tulad ng bagyo, baha, pagsabog ng bulkan at lindol.
Ito ang pahayag ni Senador Lito Lapid pagkatapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang inakdang Republic Act 12007 (Student Loan Payment Moratorium during Disasters or Emergencies Act).
“Ang batas na ito ay handog natin sa ating mga estudyante at kanilang pamilya. Bahagi po ito ng ilang mga batas na tutulong sa mga ating mga kababayan na naaapektuhan ng mga kalamidad. Layunin po ng batas na ito na bigyan ng kapanatagan ang pamilyang Pilipino na patuloy na mag-invest sa pag-aaral ng kanilang anak,” pahayag ni Lapid na pangunahing bumalangkas ng naturang batas.
Dagdag pa ni Lapid, handa siyang tumulong at bukas ang pintuan ng pamahalaan para sa mga kababayang naghihikahos sa buhay, lalo na yaong aniya’y pinadapa ng kalamidad sa bansa.
“Narito po ang inyong gobyerno upang tulungan kayo kung sakaling nangailangan kayo dahil sa mga delubyong dumaraan sa ating bansa taun-taon. Tulong-tulong po tayo para sa magandang kinabukasan ng ating mga kabataan.”
Pinuri rin ni Lapid si arcos sa paglagda sa tinawag niyang “pet bill.”
“Nagpapasalamat po tayo sa Pangulong Bongbong Marcos sa pagsama sa panukalang ito sa mga nilagdaan at sa ating mga kasangga sa Kongreso. Maraming salamat po at mabuhay po kayo,” pahabol ni Lapid. (Estong Reyes)
